Pag-unawa sa Pag-unlad ng Inyong Anak - Para sa mga Magulang ng mga Batang nasa Preschool

(Binago ang nilalaman 06/2016)

Ipinapakita ng pagsisimula sa preschool ang bagong mahalagang pangyayari sa pag-unlad ng inyong anak. Bukod sa pamilya, may mahalaga ring tungkulin ang preschool sa pangangalaga ng pagkatuto ng inyong anak sa kaalaman at mga kakayahan. Tiyak na tumutulong ang malapit na komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at guro sa pagpapadali ng kanilang pag-unlad.

Pag-unawa sa Pag-unlad ng Inyong Anak - Para sa mga Magulang ng mga Batang nasa Preschool

Bilang mga magulang, gusto nating lahat na magkaroon ang ating mga anak ng normal at balanseng pag-unlad sa pag-unawa, wika, pagkilos, pangangalaga sa sarili at mga kakayahan sa pakikisalamuha sa lipunan pati na rin ng pag-uugali. Gayunman, mag-aalala ang isang magulang kung hindi gumaganap ang bata nang ayon sa inaasahan. Upang maiwasan ang mga sobrang pag-aalala, pinapayuhan ang mga magulang at guro na isaalang-alang ang mga sumusunod na punto kapag inoobserbahan ang pagganap ng mga bata:

  • Nagpapatuloy na proseso ang pag-unlad ng bata na sumusulong ayon sa tiyak na pagkakasunud-sunod. Pero, umuunlad ang bawat bata sa kanyang sariling bilis at inaasahan ang indibiduwal na mga pagkakaiba.
  • May kanya-kanyang sariling mga kalakasan at kahinaan ang bawat bata. Ganap at likas para sa isang bata na mahigitan ang isang tiyak na larangan ngunit maihahambing o mas mahina sa isa pang larangan.
  • Maaaring gumanap nang naiiba ang isang bata sa iba't ibang pangyayari. Tumutulong ang komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at guro na pagyamanin ang mas mabuting pag-unawa sa aktuwal na pagganap ng bata.
  • Maaaring lubos na mag-iba-iba ang edad ng mga bata sa isang klase. Maaaring kailangan ng mga mas bata ang mas maraming oras at paggabay sa pagkakaroon ng ilang kaalaman at kakayahan. Dapat i-adjust ng mga magulang at guro ang kanilang mga inaasahan nang naaayon.

Kung hindi nakaaantig ng pag-aalala ang pag-unlad ng bata, maaaring obserbahan ng mga magulang at guro ang kanyang pagganap matapos makibagay sa buhay sa paaralan sa sansaling panahon. Tinatandaan na natututo at lumalaki ang bata noon pa man, huwag masyadong maalarma kung pansamantala lamang ang problema, o bahagya lamang ang kanyang pagkahuli sa isa o dalawang partikular na kakayahan ng isang partikular na aspekto ng pag-unlad (hal. wika, pag-unawa, kabuuan o mahusay na kakayahang kumilos, pangangalaga sa sarili o pag-uugali). Gayunman, kung patuloy na naiiba ang pagganap ng bata mula sa iba, dapat talakayin ng mga magulang at guro sa isa't isa ang pangangailangan para sa mga kasunod na hakbang.

Dapat bigyang-pansin ng mga magulang at guro ang mga sumusunod na ilang kondisyon kapag inoobserbahan ang pag-unlad ng mga bata.

Matapos pumasok sa K-1 (edad 3 hanggang 4) nang ilang panahon, ang bata ay:

Pag-unlad ng Pang-unawa

  • hindi pa rin nauunawaan ang mga pangunahing konsepto, gaya ng malaki at maliit
  • nagpapakita pa rin ng kahirapan sa pag-unawa ng "isa" o "dalawa"
  • nabibigo pa ring ilarawan ang gamit ng mga karaniwang bagay, hal., kutsara para sa pagkain; gunting para panggupit
  • hindi pa rin sumasali sa mga larong pagkukunwari, hal., pagkukunwari na isang doktor, paglalaro ng mga gamit pangkusina atbp.

Pag-unlad ng Wika

  • nabibigong matukoy at pangalanan ang mga pinakakaraniwang bagay at larawan
  • nabibigong sundin ang mga simpleng tagubilin, hal., "Ilagay ang kotse sa kahon ng laruan"
  • hindi masagot ang mga simpleng tanong na masasagot ng "oo/hindi"
  • hindi nagsasalita gamit ang maiikling parirala, hal., "Gusto ni Daddy ng mga cookies"
  • nagpapakita ng pagkalito sa pag-unawa o paggamit ng mga panghalip, gaya ng "Gusto ko ng mga biskwit" o "Ibigay mo ito kay Daddy"
  • hindi magaya ang mga tulang pambata
  • hindi malinaw o hindi maintindihan ang pagsasalita

Pag-unlad ng Kakayahang Kumilos

  • madaling madapa habang naglalakad
  • kailangan ng tulong kapag umaakyat/bumababa sa hagdan
  • mukhang di-maingat sa paggamit ng mga daliri, hal.: pagtanggal ng balat ng mga kendi, paglipat ng mga pahina ng aklat o paglalaro ng clay
  • hindi makakopya ng mga patayo o pahalang na linya
  • nahihirapang pumihit ng takip ng bote

Mga Kasanayan ng Pangangalaga sa Sarili

  • nabibigong ipakita ang mga pangangailangang gumamit ng banyo, madalas umihi sa araw
  • hindi mahubad ang maluluwag na T-shirt, sapatos at medyas
  • mukhang hindi maingat at makalat kapag gumagamit ng kutsara

Pag-unlad ng Pakikisalamuha sa Lipunan at Pag-uugali

  • kaunti ang ipinakikitang interes sa o hindi pinapansin ang ibang bata; mas gustong maglaro nang nag-iisa
  • kulang sa pagtingin sa mata ng kausap at bihirang nagsisimula ng pakikipag-usap sa iba
  • bihirang ibinabaling ang atensyon ng iba sa mga bagay na interesado siya
  • labis na kumakapit at nagpapakita ng matinding kahirapan sa paghiwalay mula sa pangunahing tagapag-alaga sa karamihang sitwasyon

Matapos pumasok sa K-2 (edad 4 hanggang 5) nang ilang panahon, ang bata ay:

Pag-unlad ng Pang-unawa

  • hindi makilala ang pagkakaiba sa pagitan ng dalawang bagay ayon sa kanilang laki, taas o haba
  • hindi mauri at mapagtugma ang mga bagay, hal., mga sapatos sa mga medyas, baso sa plato
  • nagpapakita ng kahirapan sa pag-unawa ng mga pangunahing konsepto ng numero, gaya ng pagbilang ng 2 hanggang 3 bagay nang tama
  • nabibigong makilala ang 1 hanggang 2 bagay na ipinakita pa lang

Pag-unlad ng Wika

  • nagpapakita ng kahirapan sa pag-unawa ng mas mahahabang pangungusap, gaya ng "Ilagay ang laruang kotse sa kahong malapit sa mesa"
  • nabibigong maintindihan ang mga kuwentong na isinalaysay
  • hindi nagsasalita gamit ang mga simpleng pangungusap, hal., "Gusto kong maglaro ng kotse"
  • nabibigong magtanong ng mga tanong na "ano" at sino
  • hindi maiugnay ang mga simpleng kaganapan nang may patnubay
  • hindi malinaw ang pagsasalita

Pag-unlad ng Kakayahang Kumilos

  • mukhang di-maingat kapag lumalakad, tumatakbo o umaakyat at maaaring madaling madapa o mahulog
  • nabibigong itapon at saluhin o sipain ang umiikot na bola
  • nahihirapang gumamit ng gunting
  • nabibigong kumopya ng bilog, nakahilig na guhit, mga simpleng salita o titik hal. "十", "日", "人", "C", "X"

Mga Kasanayan ng Pangangalaga sa Sarili

  • hindi makapagbihis nang mag-isa, hal., isuot o hubuin ang pantalon, tanggaling ang malalaking butones
  • nabibigong maghugas at patuyuin ang mga kamay nang mag-isa
  • kailangan ng tulong kapag iihi

Pag-unlad ng Pakikisalamuha sa Lipunan at Pag-uugali

  • hindi pinapansin ang iba pang bata, bihirang nagsisimula ng pakikipag-usap sa iba
  • hindi gusto at hindi mapakali sa pagsali sa mga larong panggrupo
  • hindi nagpapakita ng hangarin na magbahagi o makipagtulungan sa iba pang bata
  • nabibigong sundin ang mga patakaran o makipagsalitan
  • madaling mag-alburoto at nagpapakita ng mga labis na mapanira o agresibong pag-uugali

Matapos pumasok sa K-3 (edad 5 hanggang 6) nang ilang panahon, ang bata ay:

Pag-unlad ng Pang-unawa

  • hindi maintindihan ang mga simpleng karaniwang kaalaman gaya ng "Ano ang ginagawa ng mga tao kapag malamig ang panahon?", "Anong bagay ang may apat na gulong?"
  • nagpapakita ng kahirapan sa pag-unawa ng dami, gaya ng pagbilang ng 4 hanggang 6 na bagay nang tama
  • nabibigong pangalanan ang ilang kulay o hugis
  • nabibigong kilalanin at basahin ang mga numero, letra o simpleng salita, gaya ng "人", "口", "日", 'A', "B"
  • halatang nahuhuli sa kanyang mga kaedad sa pagkakaroon ng mga kasanayan o kaalaman

Pag-unlad ng Wika

  • nagpapakita ng kahirapan sa pag-unawa ng mga kumplikadong pangungusap, hal., "Hindi ka dapat kumain nang hindi naghuhugas ng iyong mga kamay"
  • hindi magawa ang mga sinasabing tagubilin, hal., pagtanggap ng tagubilin mula sa tawag sa telepono
  • nabibigong iugnay ang mga kaganapan o ilarawan ang isang litrato
  • hindi makasagot nang angkop at mapanatili ang paksa kapag nakikipag-usap sa iba
  • may limitadong bokabularyo at hindi maipahayag ang kanyang sarilin nang naaangkop
  • hindi makapagsalita nang matatas

Pag-unlad ng Kakayahang Kumilos

  • hindi makatayo sa iisang paa
  • mukhang di-maingat o kulang sa tiwala kapag umaakyat sa mga istruktura sa palaruan
  • nahihirapan sa pagkulay nang pasok sa mga guhit na hangganan
  • mukhang di-maingat sa paggawa ng simpleng likhang-sining hal. paggupit, paggamit ng glue at pagdikit
  • mukhang mahina sa paghawak sa lapis at mabagal sa pagkopya ng mga salita

Mga Kasanayan ng Pangangalaga sa Sarili

  • hindi makapagsuot at makapaghubad ng damit nang mag-isa
  • nabibigong pigain ang tuwalya upang matuyo at linisin ang kanyang mukha nang mag-isa
  • hindi alam kung paano magsipilyo ng mga ngipin
  • nabibigong pakainin ang kanyang sarili gamit ang kutsilyo, tinidor o mga chopstick

Pag-unlad ng Pakikisalamuha sa Lipunan at Pag-uugali

  • labis na mahiyain at tahimik, madalas tumatangging makipag-usap sa mga hindi kakilala
  • pabago-bago ang kalagayan ng emosyon at madaling nawawala ang pagiging mahinahon
  • nabibigong sumunod sa mga patakaran; hindi kayang makipagtulungan sa mga kaedad sa mga larong panggrupo
  • mukhang makasarili at nabibigong maintindihan ang mga damdamin ng iba
  • hindi nakikinig at madaling nagagambala sa klase
  • hindi mapakali, balisa at madaldal
  • tumatangging sumunod sa mga tagubilin at nagpapakita ng mga mapanira at agresibong pag-uugali

Kung patuloy na nagpapakita ang bata ng mga nabanggit na palatandaan, maaaring gamitin ng mga guro ang referral system ng Komprehensibong Serbisyo sa Pag-unlad ng Bata at i-refer ang bata sa Maternal and Child Health Centre (MCHC). Maaari ding tumawag ang mga magulang mismo sa nauukol na MCHC upang magsaayos ng appointment. Mabilis na umuunlad at sumusulong ang mga bata sa unang ilang taon ng buhay. Tutulong ang maagang pagtukoy at pamamagitan sa kanilang pag-unlad sa hinaharap at pag-a-adjust sa buhay.

Komprehensibong Serbisyo sa Pag-unlad ng Bata (CCDS)

Ipinatupad na ang CCDS ayon sa mga yugto mula noong 2005 sa magkasamang pagsisikap ng Department of Health, Social Welfare Department, Education Bureau at Hospital Authority. Sa pamamagitan ng mas mahusay na paghahanay ng paghahatid ng kalusugan, edukasyon at mga serbisyong panlipunan, layunin ng CCDS na tiyakin ang maagang pagkilala ng iba't ibang kailangan ng mga bata at ng kanilang mga pamilya upang magawang nagagamit nila ang naaangkop na mga serbisyo nang napapanahon.

Sa ilalim ng CCDS, binuo ang isang sistema ng referral at feedback upang magawa ng mga guro sa pre-primary na tukuyin at i-refer ang mga batang may mga espesyal na pangangailangan sa MCHC para sa pagsusuri at kasunod na pagpapatingin. Kung naghihinala ang mga guro o mga tagapag-alaga ng bata na may anumang problema sa kalusugan, pag-unlad at pag-uugali ang bata, maaari nilang ipadala ang form ng referral nang direkta sa MCHC, na may pahintulot ng magulang. Makikipag-ugnayan ang MCHC sa magulang at makikipag-appointment para sa bata matapos matanggap ang referral. Ire-refer ang bata sa klinika ng espesyalista para sa karagdagang pagsusuri o kasunod na pagpapatingin kung kinakailangan.

Para sa mga detalye, mangyaring sumangguni sa link na ito:
www.edb.gov.hk/en/edu-system/preprimary-kindergarten/comprehensive-child-development-service/index.html

Para sa mga tanong kaugnay ng CCDS o pag-unlad ng iyong anak, mangyaring makipag-ugnayan sa tauhan ng pangangalaga sa kalusugan sa pinakamalapit na MCHC