Pag-unlad ng Bata 2 – Pagsilang hanggang Unang Buwan

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Nagbibigay ng malaking tuwa sa pamilya ang pagsilang ng bagong sanggol at nagpapahiwatig ng pagsisimula ng isang bagong paglalakbay para sa lahat. Bagamat tila walang ginagawa ang inyong sanggol bukod sa pagkain, pagtulog, pag-iyak at pagpuno sa kanyang mga lampin, sa katunayan nag-a-adjust at kinikilala niya ang kanyang bagong mundo. Unti-unti kayong napapalapit sa inyong sanggol habang tumutugon kayo at inaalagaan siya.

Sa pagtatapos ng unang buwan, magiging mas aktibo, alerto at tumutugon ang inyong sanggol. Magsisimula siyang ikilos ang kanyang mga braso at binti nang maayos. Magiging mas may kamalayan siya sa kapaligiran at tumutugon sa inyong mukha at tunog sa kapaligiran.

Sa pagtatapos ng unang buwan, magagawa ng inyong sanggol ang:

Paggalaw

  • Gumagalaw nang malikot, karamihang walang koordinasyon na pagtulak ng braso at pagsipa ng binti.
  • Iniaangat nang bahagya ang ulo kapag nakahiga nang nakatihaya ngunit hindi masuportahan ang ulo nang walang tulong.
  • Pinananatiling nakakuyom ang mga kamay kadalasan ngunit kayang hawakan nang maliksi ang anumang ilagay sa kanyang kamay
  • Inilalagay ang mga kamay sa saklaw ng bibig at mga mata
  • Nagugulat sa mga biglaang ingay at pagkilos ng kanyang sanggol

Paningin

  • Nagpapakita ng kagustuhan para sa mukha ng tao, sinusundan ng matataas na contrast ng pattern, hal. itim at puting mga pattern
  • Pinakanagpo-pokus sa malapit, halos 8 hanggang 10 pulgada (20 - 25 cm)
  • Sinusundan ang mukha ng tao o malalaking kaakit-akit na mga bagay nang bahagya

Pandinig

  • Nakikinig sa mga boses ng tao lalo na ang mga matataas ang tono
  • Tumutugon sa tunog sa pamamagitan ng pagkurap, pagtulak ng mga braso at binti, o "paghinto" ng kanyang sariling aktibidad
  • Napahihinahon ng boses ng ina at banayad na musika

Pakikipag-usap sa kapwa

  • Nakikilala ang amoy ng ina
  • Ngumingiti nang hindi namimili sa una at pagkatapos ay sa pagtugon sa pagpapasigla ng iba

Iba pang pandamdam

  • Pagkilala sa ilang amoy, hal. ang amoy ng kanyang ina at gatas ng ina
  • Sensitibo sa paghipo, paghawak, banayad na paghaplos at pag-ugoy. Mapapakalma ang sanggol ng pagyakap
  • Hindi gusto ang magaslaw at biglaang paghawak

Pagpapabilis ng pag-unlad ng sanggol

Ano ang maaari ninyong gawin:
  • Tumugon sa pag-iyak ng inyong sanggol
  • Yakapin at hawakan siya
  • Kausapin at kantahan siya
  • Makipagtinginan sa kanya
Mga laruang maaari ninyong piliin:
  • Mga gumagalaw na laruan na may matataas na contrast ng kulay at pattern
  • Music box o banayad na musika mula sa mga tape o CD
  • Malalambot na laruan na lumilikha ng mga banayad na tunog

Nagbibigay lang ang impormasyon sa itaas ng pangkalahatang ideya ng mga pagbabagong inaasahan habang lumalaki ang inyong anak. Bawat bata ay natatangi at kadalasang normal ang malawak na mga pagkakaiba sa bilis ng pag-unlad. Huwag masyadong maalarma kung medyo iba ang tiyempo ng inyong sanggol o nabibigong makamit ang tiyak na kakayahan sa ilang yugto. Maaari lang nitong inihuhudyat ang pangangailangan para sa mas maraming atensyon.

Talakayin sa doktor o nars kung, sa pagtatapos ng yugtong ito, ang inyong sanggol ay

  • Bihirang iginagalaw ang kanyang mga braso o binti
  • Mukhang malambot o matigas
  • Hindi kumukurap sa maliwanag na ilaw
  • Hindi nagpo-pokus o sumusunod sa inyong mukha nang bahagya kapag malapit
  • Hindi tumutugon sa malalakas na ingay

Kung mayroon kayong anumang alalahanin o tanong, talakayin sa mga nars at doktor sa alinmang MCHC o sa inyong doktor/pediatrician ng pamilya.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.