Pag-unlad ng Bata 3 – Isa hanggang Tatlong Buwan

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Sa pagpasok sa ikalawang buwan, malamang na mapansin ninyo ang pagkakaiba sa inyong sanggol kumpara sa unang buwan. Mas kaunting oras ang kanyang ginugugol sa pagtulog at nagpapakita ng nadaragdagang interes sa kanyang paligid. Makikinig siya sa mga tunog at pagsasalita ng mga tao. Kapag nakipaglaro kayo sa kanya, titingin siya sa inyo at ngingiti sa inyo. Magiging mas banayad ang kanyang pagkilos, mas may layunin at may koordinasyon.

Sa pagtatapos ng ikatlong buwan, magagawa ng inyong sanggol ang:

Paggalaw

  • Gumagalaw nang mas banayad at may mas mahusay na kontrol sa mga kilos ng katawan
  • Naitutuwid ang mga binti at naisisipa nang mas mapuwersa
  • Iniaangat ang ulo at dibdib kapag nakahiga nang nakatihaya at sinusuportahan ang kanyang katawan gamit ang parehong braso
  • Naiaangat nang medyo matatag ang ulo kapag hinawakan nang paupo
  • Pinananatiling bukas ang mga kamay kadalasan
  • Hinahawakan ang kalansing na inilagay sa kanyang palad
  • Inilalagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig at sinisipsip
  • Pinaglalapit ang parehong kamay at pinaglalaruan ang sariling mga daliri
  • Sinusubukang hampasin ang mga nakabiting bagay gamit ang katawan o braso

Paningin

  • Tinutuklas ang paligid gamit ang kanyang mga mata
  • Tumitinging mabuti sa mga mukha ng tao, lalo na ang mukha ng magulang
  • Nakikilala at hinahabol ng tingin ang mga pamilyar na tao sa malayo (ilang talampakan o 1 hanggang 2 metro ang layo)
  • Iginagalaw ang kanyang ulo at inililipat ang kanyang mga mata sa bawat gilid upang sundan ang mga gumagalaw na bagay
  • Naghahanap at naglalaro gamit kanyang sariling mga kamay

Pandinig at Pagsasalita

  • Ibinabaling ang kanyang ulo sa direksyon ng tunog, gaya ng boses ng ina
  • Nakikinig sa musika
  • Ngumingiti sa mga pamilyar na boses, lalo na sa boses ng ina
  • Nagsisimulang gayahin ang ilang tunog
  • Nagsisimulang humuni o magsalit gamit ang iba't ibang tunog hal. "Ah", "Ooh"

Pakikipag-usap sa kapwa

  • Gumagamit ng ngiti sa kapwa bilang paraan ng komunikasyon, lalo na sa mga pamilyar na tao
  • Ginagaya ang mga ekspresyon ng mukha ng adulto na nakatuon sa kanya
  • Ipinapahayag ang kanyang mga damdamin at pangangailangan sa pamamagitan ng pag-iyak, paghuni, iba't ibang ekspresyon ng mukha at mga galaw ng katawan
  • Masaya kapag nilalaro at maaaring umiyak kapag huminto ang paglalaro

Pagpapabilis ng pag-unlad ng sanggol

Sa yugtong ito kailangan niya ng madalas na pagpapalakas ng loob upang maramdamang ligtas. Sa pagtulong sa kanya na maitatag ang pagkadama ng katiwasayan, unti-unti niyang mabubuo ang tapang at tiwala na nagbibigay-daan sa kanya na humiwalay sa iyo at maging nagsasarili at nagtitiwalang tao sa hinaharap.

Ano ang maaari ninyong gawin:
  • Tumugon sa kanyang mga pangangailangan
  • Yakapin at hawakan siya
  • Kausapin at kantahan siya
  • Hayaan siyang tuklasin ang kapaligiran at mga laruan gamit ang paningin mula sa iba't ibang posisyon bukod sa paghiga sa kama. Tumutulong ang pagdapa sa kanya (may pangangasiwa ng adulto) na mapatibay ang mga kalamnan sa kanyang leeg. Kapag kaya na niyang suportahan nang lubusan ang kanyang ulo, kargahin siya na nakaharap palabas upang hayaan siyang magmasid habang naglalakad kayo.
Mga laruang maaari ninyong piliin:
  • Mga kalansing upang hawakan ng inyong sanggol
  • Mga gumagalaw na laruan na matitingkad ang kulay
  • Mga laruan o hindi nababasag na salamin na nakakabit sa gilid ng kuna para sa sanggol upang tingnan at subukang abutin
  • Mahinang musika mula sa music box o mga compact disc

Nagbibigay lang ang impormasyon sa itaas ng pangkalahatang ideya ng mga pagbabagong inaasahan habang lumalaki ang inyong anak. Bawat bata ay natatangi at kadalasang normal ang malawak na mga pagkakaiba sa bilis ng pag-unlad. Huwag masyadong maalarma kung medyo iba ang tiyempo ng inyong sanggol o nabibigong makamit ang tiyak na kakayahan sa ilang yugto. Maaari lang nitong inihuhudyat ang pangangailangan para sa mas maraming atensyon.

Talakayin sa doktor o nars kung, sa pagtatapos ng yugtong ito, ang inyong sanggol ay

  • Mukhang malambot o napakatigas kapag hinahawakan
  • Hindi gumagalaw mabuti at hindi nasusuportahan ang kanyang ulo nang pansamantala kapag nakadapa
  • Nananatiling nakakuyom ang mga kamay sa lahat ng oras at hindi hinahawakan ang kalansing na inilalagay sa kanyang kamay
  • Hindi tinitingnan ang kanyang sariling mga kamay
  • Hindi sinusundan ng tingin ang mga malalapit at gumagalaw na bagay
  • Hindi tumutugon sa malakas na ingay
  • Hindi gumagawa ng anumang ingay
  • Hindi ngumingiti bilang tugon sa inyong boses o mukha

Kung mayroon kayong anumang alalahanin o tanong, talakayin sa mga nars at doktor sa alinmang MCHC o sa inyong doktor/pediatrician ng pamilya.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.