Pag-unlad ng Bata 6- Isa hanggang Dalawang Taon

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Pagkatapos ng kanyang unang kaarawan, papasok ang inyong anak sa yugtong nagsisimulang humakbang. Dahil nakakalakad at nakapagsasalita ng kaunti, nagiging mas nagsasarili siya at nagsisimulang subukan ang sarili niyang kontrol sa sarili. Makikita ninyong siyang sinusubukan ang inyong mga limitasyon at tinutuklas ang kanyang sarili. Maaaring asahang mangyari ang pagtatalo sa pagitan ng kanyang mga kagustuhan at ng sa inyo. Hindi niya kusang sinusubukang maging malikot, ngunit sinusubukang tuklasin kung ano ang kaya niyang gawin sa kanyang mga kakayahan sa pag-unlad. Tandaan na umaasa siya sa inyo na ipakita sa kanya kung ano ang pinapayagan at hindi, at titingin sa inyo nang madalas para sa katiyakan at seguridad. Sa panahong ito, magpapakita rin siya ng mga dumaraming palatandaan ng pag-angkin sa mga gamit at sa mga taong malapit sa kanya.

Sa pagtatapos ng panahong ito, magagawa ng inyong sanggol ang:

Paggalaw

  • Ginagamit ang paglakad bilang karaniwang paraan ng kadaliang kumilos sa halos 18 buwan, bagama't mukha siyang hindi matatag sa kanyang mga binti
  • Lumalakad nang maayos nang mag-isa sa 2 taon
  • Yumuyuko upang pulutin ang bagay mula sa sahig nang hindi natutumba
  • Lumalakad nang may mabibilis na hakbang o tumatakbo pa
  • Bumubuhat o hinihila ang mga laruan habang naglalakad
  • Umaakyat at bumababa sa kasangkapa nang walang tulong
  • Umaakyat at bumababa sa hagdan na humahawak sa suporta
  • Sinusubukang sumipa ng bola

Mga kasanayan ng kamay at daliri

  • Nagtatayo ng mga tore na may apat o mas maraming brick/bloke
  • Inililipat ang ilang pahina ng aklat nang paisa-isa
  • Ibinubukas ang mga hawakan ng pinto at inaalis ang takip ng bote
  • Inilalagay ang mga tulos sa mga butas
  • Gumuguhit gamit ang krayola
  • Nagpapakita ng pagkahilig na gumamit ng isang kamay

Pag-unlad ng wika

  • Itinuturo ang mga bahagi ng katawan bilang pagtugon sa pagsasabi ng pangalan
  • Kinikilala ang mga pangalan ng mga pamilyar na tao at bagay
  • Sinusunod ang mga simpleng tagubilin tulad ng "ibigay mo sa akin ang bola" nang walang ikinukumpas na hudyat
  • Sinasabi ang mga isahang salita, kalimitang mga pangngalan muna at pagkatapos ay ang mga pandiwa
  • Nagsisimulang magsama-sama ng mga salita hal. "Mommy kain", "gusto ng cookies"

Pag-unlad ng Pang-unawa

  • Nagsisimulang ayusin ang mga bagay ayon sa hugis at sukat
  • Nasisiyahan sa larong pagkukunwari, sa simula ay isinasangkot lang ang kanyang sarili (hal. pagpapakain sa kanyang sarili gamit ang kutsara), pagkatapos ay unti-unting isinasama ang iba (hal. pagpapakain sa Mommy o sa manika)
  • Nagsisimulang matutunan ang paglutas ng mga problema gamit ang pagsubok at pagkakamali

Pag-unlad ng pakikisalamuha at emosyon

  • Pagiging makasarili
  • Nasisiyahan sa panonood at pagiging nasa paligid ng iba pang bata, lalo na ang mga mas matanda
  • Nagpapakita ng pag-angkin at pakikipagkumpitensya para sa mga laruan
  • Gumagamit ng mga kumpas (hal. pagturo) o salita upang ipakita ang kanyang mga pangangailangan at upang ibaling ang inyong pansin sa kanyang interes
  • Natututong makipaglaro sa iba sa paraang pakikihalubilo (patungo sa huling kalahati ng panahong ito)
  • Ginagaya ang mga pag-uugali at aktibidad ng iba, lalo na ang sa mga adulto at mas nakakatandang mga bata

Mga kasanayan ng pangangalaga sa sarili

  • Sinusubukang pakainin ang sarili gamit ang kutsara at umiinom mula sa tasa
  • Tinatanggal ang sapatos
  • Nagsisimulang tukuyin ang mga pangangailangan na pumunta sa banyo

Pagpapasigla ng pag-unlad ng maliit na bata

Kailangan ng mga batang nagsisimulang humakbang sa edad na ito ng pangangasiwa at isang ligtas na kapaligiran upang tuklasin. Gumugol ng oras sa inyong anak upang hikayatin at gabayan siya, at ipakita sa kanya ang pagmamahal. Subukang bumuo ng hindi nagbabagong rutina. Magtatag ng ligtas na “mga patakaran” sa simpleng mga salita na maiintindihan ng inyong anak. Hikayatin ang paglalaro nang mag-isa sa pamamaagitan ng pagbibigay ng iba’t-ibang laruan. Dahil mga magaling gumaya ang mga batang nagsisimulang humakbang, maging mabuting halimbawa sa inyong pananalita at pag-uugali para matutunan ng inyong anak.

Ano ang maaari ninyong gawin:
  • Iwasan ang oras ng panonood sa iba't ibang elektronikong media para sa inyong anak
  • Hayaan ang inyong anak na gumugol ng hindi bababa sa 3 oras bawat araw sa iba't ibang pisikal na aktibidad na nakakalat sa buong araw. Hayaan siyang tumuklas at magsanay ng iba't ibang kasanayan sa paggalaw hal. sa pamamagitan ng pagdadala sa kanya sa parke na may mga pasilidad na panlabas tulad ng mga padulasan, duyan atbp.
  • Iwasang pigilan ang inyong sanggol sa stroller, mataas na upuan o carrier nang mahigit sa 1 oras sa isang pagkakataon.
  • Samantalahin ang bawat pagkakataon na makipag-usap sa isa't isa
  • Magbasa ng mga aklat na may imaheng pambata at mga aklat ng simpleng kuwento nang magkasama
  • Kumanta at makinig sa mga kantang pambata nang magkasama
Mga laruang maaari ninyong piliin:
  • Mga bolang iba’t-iba ang sukat para sa pagsipa at paghagis
  • Mga laruang itinutulak at hinihila
  • Mga building block
  • Mga krayola at papel para sa pagguhit
  • Mga simpleng pang-ayos ng mga hugis at pegboard
  • Mga laruang humihikayat na maglaro ng pagkukunwari Mabuti para sa parehong lalaki at babae ang mga laruan gaya ng mga manika, laruang hayop, laruang telepono, gamit sa kusina at mga plastik na kagamitan sa bahay.
  • Mga instrumentong pangmusika hal. laruang piano at tambol atbp.

Nagbibigay lang ang impormasyon sa itaas ng pangkalahatang ideya ng mga pagbabagong inaasahan habang lumalaki ang inyong anak. Bawat bata ay natatangi at kadalasang normal ang malawak na mga pagkakaiba sa bilis ng pag-unlad. Huwag maalarma kung medyo iba ang tiyempo ng inyong sanggol o nabibigong makamit ang tiyak na kakayahan sa ilang yugto. Maaari lang nitong inihuhudyat ang pangangailangan para sa mas maraming atensyon.

Talakayin sa mga doktor o nurse kung

Sa pagtatapos ng 18-buwan, ang inyong anak ay

  • Hindi makalakad nang mag-isa
  • Hindi naglalaro nang makabuluhan ngunit sumasali sa paghahagis at pagsusubo ng mga laruan
  • Bihirang tumingin sa mga mata ng kanyang tagapag-alaga
  • Hindi nagpapakita ng interes sa pakikipaglalaro sa kanyang mga tagapag-alaga, mas gustong maglaro nang mag-isa
  • Hindi naiintindihan ang mga pangalan ng mga kilalang tao o bagay, hal. Lola, baso, gatas
  • Hindi tumuturo gamit ang daliri upang ipahiwatig ang mga pangangailangan
  • Wala pang nasasabing salita

Talakayin sa mga doktor o nurse kung, sa pagtatapos ng yugtong ito, ang inyong anak ay

  • Hindi makalakad nang matatag
  • Hindi naiintindihan ang mga pangalan ng mga karaniwang bagay sa bahay o mga bahagi ng katawan
  • Hindi gumagamit ng mga kumpas o salita upang kuhanin ang iyong atensyon sa mga bagay/pangyayari na interesado siya.
  • Nakakapagsalita lang ng mga iisang salita
  • Hindi nagpapakita ng interes sa pakikipaglalaro sa kanyang mga tagapag-alaga, mas gustong maglaro nang mag-isa
  • Hindi sumasali sa larong pagkukunwari gaya ng paglalaro ng laruang set ng tsaa
  • Mukhang hindi makarinig o makakita nang maayos

Kung mayroon kayong anumang alalahanin o tanong, talakayin sa mga nurse at doktor sa alinmang MCHC o sa inyong doktor / pediatrician ng pamilya.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.