Pag-unlad ng Bata 8B— Apat hanggang Anim na Taon

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Sa edad na apat, malamang na nagsimula na ang inyong anak sa preschool nang ilang panahon. Maaaring magmukha siyang puno ng enerhiya at lakas. Kung minsan maaaring kumikilos siya sa paraang palautos, agresibo at hindi katanggap-tanggap. Bagama't tila itinataboy siya sa lahat ng direksyon, ang totoo ay natututo siya mula sa lahat ng karanasang ito. Kapag binigyan ng panahon, lalaki siya sa at magiging isang nagtitiwala at nakikipagtulungang bata sa edad na lima o higit pa.

Kapag papalapit na sa kanyang ikaanim na kaarawan, magagawa ng inyong anak ang:

Paggalaw

  • Pamahalaan ang mga aktibidad sa hagdan at palaruan nang may kasanayan
  • Masipa ang gumagalaw na bola
  • Tumayo sa alinmang binti at mapanatili ang balanse sa loob ng limang segundo o mas matagal
  • Lumukso pasulong sa isang paa nang 2-3 metro
  • Gumalaw sa ritmo ng musika

Mga kasanayan ng kamay at daliri

  • Gumawa ng mas detalyadong mga modelo gamit ang mga building block
  • Kulayan ang larawan nang malinis, nananatili sa mga linya
  • Gumuhit ng mga simpleng larawan, nakikilalang tao na may mas maraming feature (karaniwang may ulo, mga mata, ilong, bibig, katawan, mga brasong may mga kamay at mga binting may mga paa)
  • Sumulat ng mga numero at alpabeto na may mahusay na kontrol
  • Gumawa ng simpleng likhang-sining sangkot ang paggupit gamit ang gunting, pagpahid ng pandikit, at pagdikit ng mga bagay sa posisyon

Pag-unlad ng Wika

  • Nagsasalita nang malinaw at matatas na may istruktura at gramatika ng pangungusap ng adulto
  • Tumutugon nang angkop at nagsasalita habang pinananatili ang paksa ng usapan
  • Ibinibigay ang buong pangalan, edad, at address ng tirahan kapag tinanong
  • Ikinukuwento ang ilang kaganapan mula sa isang kuwento na narinig lang
  • Nagbibigay ng makatuwirang salaysay ng kung ano ang nangyari kamakailan
  • Nasisiyahan sa mga biro at bugtong

Pag-unlad ng Pang-unawa

Sa panahong ito, magtatanong ng marami ang inyong anak at magsisimulang gumamit ng pangangatwiran upang alamin kung paano gumagana ang mga bagay at bakit nangyayari ang mga bagay. Gayunman, limitado pa ang kanyang kakayahang mangatwiran at ang kanyang paghatol ay talagang mula sa sarili niyang pananaw.

Isa pang halatang katangian sa panahong ito ay ang kanyang malawak na hanay ng mga mapanlikhang ideya na nabubuo habang naglalaro kasama ang mga kaedad at adulto.

  • Nagpopokus na may higit na pansin at natatapos ang mga gawain
  • Itinatanong ang kahulugan ng mga bagong salitang naririnig
  • Gumagawa ng mga simpleng isang-digit na pagsasama at pagbabawas sa loob ng 10
  • Pinapangalanan ang 10 o higit pang kulay
  • Naiintindihan ang pangunahing konsepto ng oras hal. umaga at hapon, ngayon at bukas, mga araw ng linggo at pista opisyal, atbp.
  • Nagsisimulang mangatwiran ngunit karaniwang hindi naisasaalang-alang ang ilang posibleng dahilan nang magkakasabay.

Pag-unlad ng pakikisalamuha at emosyon

  • Kinokontrol ang kanyang mga nararamdaman sa pangkalahatan at kumikilos ayon sa mga patakaran ng pakikipagkapwa. hal. ipinapahayag ang mga pangangailangan nang berbal, nagpapahiram ng mga laruan, humihingi ng pahintulot, ibinabalik ang bagay na hiniram, atbp.
  • Nagsisimulang mag-isip at nagtatanong kung ano ang saloobin at pakiramdam ng ibang tao, at maaaring subukang itago ang kanyang sariling saloobin at pakiramdam
  • Sumasali sa mga larong panggrupo na kailangan ang salitan at pagsunod sa mga patakaran at maglaro nang nakikipagtulungan sa mga kasama kadalasan
  • Nasisiyahan sa larong pagkukunwari kasama ang kanyang mga kaibigan gaya ng pagkukunwaring ibang tao, hal. mga magulang, pulis, superhero
  • Sinasabi ang pangalan ng karamihan sa kanyang mga kaklase, at pinipili ang mga kasamang gusto niya
  • Gustong maging katulad ng mga kaibigan niya
  • May kamalayan sa mga katangian ng tungkulin at mga pisikal na pagkakaiba sa pagitan ng mga lalaki at babae.
  • Nakikilala ang pantasya mula sa katotohanan

Mga kasanayan ng pangangalaga sa sarili

  • Kayang gumamit ng kutsilyo at tinidor
  • Naghihilamos ng mukha at nagsisipilyo ng ngipin nang mag-isa

Pagpapasigla ng pag-unlad ng inyong anak

Pinakamainam na pag-unlad ng pakikisalamuha at emosyon ay importante para sa tagumpay ng inyong anak sa buhay, maging sa tahanan, sa paaralan, sa palaruan, o kinalaunan, sa komunidad. Dahil dito, kakailanganin niyang subukan kung ano ang magagawa niya para sa sarili niya at subukan ang kanyang mga ideya upang mapahusay ang kanyang tiwala sa sarili at mga kakayahan sa paglutas ng problema. Subukang intindihin at suportahan ang kanyang mga pangangailangan at kagustuhan sa kanyang mga pagsisikap para sa kalayaan. Bigyan siya ng iba't ibang tagpo upang matutuhan. Ipakita sa kanya ang pagmamahal at palakasin ang kanyang loob. Panatilihin ang inyong ugaling mapagpatawa kahit nararamdaman ninyo na hinahamon niya ang inyong kapangyarihan at nilalabag ang mga patakaran na itinuro ninyo sa kanya nang maayos dati. Panatilihin ang mga mahigpit na limitasyon at malinaw na mga patnubay.

Ano ang maaari ninyong gawin
  • Ituloy ang paglalaan ng espesyal na oras sa inyong anak araw-araw. Makinig sa kanya upang magbahagi ng mga kaganapan na ikinatuwa o ikinabahala niya
  • Patuloy na magbasa kasama ang inyong anak araw-araw, at pag-usapan ang tungkol sa kuwento
  • Gamitin ang mga pang-araw-araw na pagkakataon o oras ng pagbabasa upang pag-usapan ang tungkol sa pagsunod sa mga patakaran, mga kinahinatnan, paglutas ng mga problema sa pamamagitan ng paggamit ng mapayapang paraan at pagkalinga sa iba
  • Tulungan siyang gumamit ng mga salita upang ilarawan ang kanyang mga nararamdaman, pangangailangan at saloobin
  • Magbigay ng pagkakataon at patnubay sa paggawa ng mga pagpili
  • Hikayatin siya na maging malaya sa mga aktibidad na pangangalaga sa sarili.
  • Magbigay ng mga pagkakataon para sa inyong anak na makipaglaro sa ibang bata at adulto.
  • Hikayatin siya na sumali sa mga laro na pagkukunwari kasama ang ibang bata at sumali kung gusto ninyo
  • Limitahan ang oras ng panonood ng inyong anak sa iba't ibang elektronikong media sa hindi hihigit sa 1 oras araw-araw. Pumili ng mga angkop na programa para panoorin niya at makipaglaro at gabayan siya
  • Hikayatina ng inyong anak na magkaroon ng iba't ibang uri ng pisikal na aktibidad at sports nang hindi bababa sa 3 oras araw-araw, dapat kasama rito ang hindi bababa sa 1 oras ng katamtaman hanggang malakas na tindi gaya ng paglalaro sa padulasan at duyan, pagtakbo at paglalaro ng football upang tulungan siya na buuin ang kanyang pisikal na lakas at bigyan ng labasan para sa kanyang enerhiya at mga pagkabigo kung kinakailangan
  • Dalhin ang inyong anak sa iba't ibang kapaligiran upang kanyang tuklasin at matutunan, hal. parke, palaruan, zoo, aklatan, museo.
Mga laruang maaari ninyong piliin
  • Mga kunwaring laruan gaya ng set ng tsaa, bahay ng manika, kotse at garahe, mga hayop, robot, puppet, atbp.
  • Mga malikhaing laruan gaya ng mga building block, play-doh atbp.
  • Mga materyales ng sining at gawang-kamay
  • Mga bola
  • Mga palaisipan
  • Mga board game para palakasin ang salitan at pagsunod sa patakaran
  • Computer software na pang-edukasyon at interactive
  • Mga VCD ng kuwento, mga video at aklat na may makukulay na larawan

Nagbibigay lang ang impormasyon sa itaas ng pangkalahatang ideya ng mga pagbabagong inaasahan habang lumalaki ang inyong anak. Bawat bata ay natatangi at kadalasang normal ang malawak na mga pagkakaiba sa bilis ng pag-unlad. Huwag masyadong maalarma kung medyo iba ang tiyempo ng inyong anak o nabibigong makamit ang tiyak na kakayahan sa ilang yugto. Maaari lang nitong inihuhudyat ang pangangailangan para sa mas maraming atensyon.

Talakayin sa mga doktor o nurse kung, ang inyong limang taong gulang na anak ay

  • Nagpapakita ng sobrang agresibong pag-uugali
  • Sobrang mahiyain, matatakutin, o pabago-bago ng emosyon
  • Madaling magambala at pabaya kapag ikukumpara sa iba sa kanyang klase
  • Nagpapakita ng kaunting interes sa ibang bata at hindi sumasali sa mga laro
  • Hindi makasunod sa mga tagubilin sa bahay at sa paaralan
  • Hindi makapagsalaysay ng mga simpleng kaganapan
  • Hindi makapagsalita ng mga pangungusap na gaya ng adulto
  • Hindi malinaw ang pagsasalita gaya ng maling pagbigkas, nauutal
  • Nagpapakita ng tiyak na problema sa mga konsepto ng pagkatuto
  • Mukhang di-maingat sa mga pisikal na aktibidad
  • Mukhang di-maingat sa kasanayan sa lapis o sa paggamit ng mga simpleng kagamitan
  • Hindi makakita o makarinig nang maayos
  • May anumang iba pang problema sa pagkatuto o pag-uugali sa paaralan

Kung mayroon kayong anumang alalahanin o tanong, talakayin sa mga nurse at doktor sa alinmang MCHC o sa inyong doktor / pediatrician ng pamilya.

Mayroon kaming isang serye ng mga workshop at polyeto ng "Masayang Pagiging Magulang!" para sa mga magiging magulang, mga magulang ng mga sanggol at mga batang hindi pa nag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa aming tauhan ng pangangalagang pangkalusugan para sa impormasyon.