Mga Karaniwang Problema sa Balat ng mga Sanggol

(Binago 01/2010) (Muling inilimbag 03/2018 )

Partikular na maselan ang balat ng mga sanggol at kailangan ng sukdulang pangangalaga. Nagbibigay ang polyetong ito ng pangunahing impormasyon tungkol sa mga karaniwang problema sa balat na nararanasan sa maagang buhay para sa impormasyon ng mga magulang.

Mga Karaniwang Problema sa Balat ng mga Bagong Silang na Sanggol

Milia

Hitsura:
  • Lumilitaw bilang maliliit, maputi-puti o manila-nilaw na batik na sinlaki ng dulo ng karayom at patag kapag hinipo.
  • Kalimitang nangyayari sa noo, pisngi, baba at ilong ng sanggol.
  • Kapag lumitaw itong maliliit at puting umbok sa gilagid ng bibig ng bagong silang na sanggol, tinatawag itong "Epstein's pearl".
Sanhi:
  • May kaugnayan ang mga ito sa napaagang pagbuo ng mga glandula ng balat.
Pangangalaga:
  • Karaniwang nawawala nang kusa sa kanilang dalawa hanggang tatlong linggo matapos isilang.
  • Walang kailangang partikular na paggamot o pangangalaga (hal. paggamit ng krema / ointment).
  • Huwag pisilin.

Tigyawat ng bagong silang na sanggol

Hitsura:
  • Lumilitaw bilang maliliit at nakataas na mapupulang umbok.
  • Kalimitang nangyayari sa noo at mga pisngi ng sanggol.
  • Kadalasang lumilitaw ilang araw o linggo matapos isilang.
Sanhi:
  • Maaaring dahilan sa epekto ng mga hormone ng ina na dumaan sa inunan patungo sa sanggol habang ipinagbubuntis.
Pangangalaga:
  • Karaniwang nawawala nang kusa sa loob ng tatlong buwan matapos isilang.
  • Walang kailangang partikular na paggamot o pangangalaga (hal. paggamit ng krema / ointment).
  • Panatilihing malinis at tuyo ang balat ng sanggol.
  • Huwag pisilin.

Erythema Toxicum

Hitsura:
  • Lumilitaw bilang maliliit, puti o manila-nilaw na batik na sinlaki ng dulo ng karayom na napapalibutan ng mapulang batik-batik.
  • Kalimitang nangyayari sa mga pisngi, katawan, likod, mga kamay at paa ng sanggol.
  • Karaniwang nagsisimula sa dalawa hanggang tatlong araw matapos isilang.
Sanhi:
  • Hindi malinaw ang dahilan.
Pangangalaga:
  • Karaniwang nawawala nang kusa sa loob ng ilang araw hanggang mga linggo matapos isilang.
  • Walang kailangang partikular na paggamot o pangangalaga (hal. paggamit ng krema / ointment).
  • Huwag pisilin.

Heat Rash/Prickly Heat.

Hitsura:
  • Lumilitaw bilang maliliit at nakataas na mapupulang batik.
  • Kalimitang nangyayari sa leeg, likod at dibdib ng sanggol.
  • Karaniwang nangyayari sa mainit na panahon ngunit maaaring lumitaw maging sa malamig na panahon kung nakabalot ang sanggol sa sobrang damit o nasa isang sobrang mainit na kuwarto, na nagdudulot ng sobrang pagpapawis.
Sanhi:
  • Sanhi ng iritasyon ng balat dahil sa pawis kapag pinanatiling sobrang mainit ang sanggol.
Pag-iwas at Pangangalaga:
  • Damitan ang sanggol ng angkop na pananamit upang mapanatiling malamig at tuyo ang balat upang mabawasan ang pamamawis.
  • Linisin ang balat ng sanggol gamit ang tubig.
  • Kumonsulta sa doktor kung walang pagbabago o matindi ang kondisyon.

Pantal Dahil sa Lampin

Hitsura:
  • Nagsisimula bilang mapulang batik, at nabubuo sa maliit at nakataas na mapulang pantal.
  • Kalimitang nangyayari sa mga lugar na natatakpan ng lampin, gaya ng ari, perineum, puwit, ibaba ng tiyan at ang itaas na bahagi ng hita.
Sanhi:
  • Lumilitaw kapag nairita ang balat ng sanggol ng ihi at dumi.
Pag-iwas at Pangangalaga:
  • Palitan nang madalas ang lampin ng sanggol upang panatilihing malinis at tuyo ang ilalim.
  • Gumamit ng maligamgam na tubig upang linisin ang ilalim ng sanggol. Gumamit ng sabon / gel na pampaligo kung kinakailangan, hal. kapag nadumihan ng dumi. Iwasang gumamit ng pamunas para sa lampin upang maiwasan ang iritasyon ng balat.
  • Hayaang matuyo ng hangin ang balat ng sanggol bago lagyan ng malinis na lampin. Maaaring pahiran ng manipis na suson ng moisturising cream upang mapanatiling hindi direktang kumapit ang dumi sa balat. Gumamit ng krema na panghadlang gaya ng krema na zinc oxide upang bumuo ng patong na pamproteksyon sa mapulang balat.
  • Huwag gumamit ng pulbos ng sanggol. Hahalo ito sa ihi o pawis at mahaharangan ang mga butas na dinadaanan ng pawis at mapapalubha ang kondisyon.
  • Kumonsulta sa doktor kung walang pagbabago o kung matindi ang kondisyon.

Atopic Dermatitis/Infantile Eczema

Hitsura:
  • Mukhang mapula at tuyo ang balat. Maaaring lumitaw ang maliliit na paltos kung minsan at nabubuo ang langib kapag pumutok ang mga paltos.
  • Sobrang makati ang mga apektadong bahagi, at nagiging makapal, matigas at magaspang ang balat matapos kamutin.
  • Sa maliit na sanggol, kadalasan itong lumilitaw sa mga pisngi, siko, tuhod at katawan.
  • Pagkatapos ng edad na dalawa, mas malamang na maapektuhan ang mga bahagi gaya ng leeg at likod ng mga tuhod at siko.
  • Karaniwang unang lumilitaw ang eksema sa edad na dalawa hanggang tatlong buwan. Magiging pagkit at mawawala ang kondisyon.
  • Kadalasan, lumilitaw ito bago ang edad na lima at maglalaho pagkatapos ng labinglimang taon. Para sa ilang bata, maaari itong magpatuloy hanggang pagtanda.
Sanhi:
  • Hindi alam ang eksaktong dahilan. Pinaniniwalaan na ang atopic dermatitis / infantile eczema ay may kaugnayan sa ilang henetikong dahilan.
  • Hindi nakahahawa ang kondisyon dahil sa personal na pagkadaiti.
  • Karaniwan na maaaring magkaroon ng mga sakit na allergy ang ibang miyembro ng pamilya gaya ng rhinitis at hika, o magkaroon ng allergy sa ilang substansya gaya ng mga panlaba, polen, alikabok o mga pagkain.
Paggamot:
  • Bukod sa mabuting pangangalaga ng balat (tingnan sa ibaba), maaaring magbigay ang doktor ng mga gamot gaya ng mga steroid o kremang antibayotiko upang kontrolin ang kondisyon.
Pag-iwas at Pangangalaga:
Mabuting pangangalaga ng balat upang mapanatili itong malinis at mamasa-masa:
  • Paliguan ang sanggol ng maligamgam na tubig at gel na pampaligo na walang sabon.
    Bigyang-pansin ang paglilinis ng mga nakatuping bahagi ng balat.
  • Pahiran ng moisturiser na walang pabango kapag tuyo ang panahon at matapos maglinis.
  • Panatilihing maikli ang mga kuko ng sanggol upang mabawasan ang tsansa na pinsala sa balat dahil sa pagkamot.
    Maaaring makatulong ang paglalagay ng guwantes sa mga kamay ng sanggol.
  • Bigyang-pansin ang temperatura at kahalumigmigan ng kapaligiran.
    Iwasang ilantad ang sanggol sa malamig na hangin at matinding sikat ng araw.
  • Panatilihin ang katamtamang temperatura sa antas na maginhawa. Pahirin ang pawis ng sanggol upang maiwasan ang iritasyon.
Pananamit:
  • Mas pinipili ang bulak kaysa ibang materyal, gaya ng lana, sutla at nylon.
  • Isuot lang ang damit na gawa sa bulak na direktang dumidikit sa sanggol.
  • Dapat bigyang-pansin ng tagapag-alaga ang sariling pananamit na direktang dumidikit sa balat ng sanggol upang maiwasan ang iritasyon.
  • Gumamit ng banayad na sabong panlaba upang labahan ang mga damit ng sanggol.
    Tandaan na banlawan ang mga ito nang mabuti pagkatapos.
Kapaligiran ng sambahayan:
  • Panatilihing malinis ang bahay. Gumamit ng vacuum cleaner o basang tela upang alisin ang alikabok. Maiiwasan nito na kumalat ang mga alikabok sa hangin habang naglilinis.
  • Iwasang gumamit ng mga karpet.
  • Iwasang magkaroon ng mga laruang mabalahibo at mga alagang hayop gaya ng mga pusa, aso o ibon upang mabawasan ang tsansa ng allergy.
Diyeta:
  • Maaaring maiwasan ng pagpapasuso ng gatas ng ina ang eksema sa ilang bata.
  • Hindi ganap na naitatag ang kaugnayan sa pagitan ng infantile eczema at pagkain. Kumonsulta sa mga doktor para sa pangangailangang magpalit sa espesyal na gatas na pormula kung kinakailangan.

Seborrhoeic Dermatitis

Hitsura:
  • Lumilitaw na medyo mapula, na may umbok ng maliliit na malangis na tiklap o madilaw-dilaw, makakapal na kaliskis na kumakapit upang bumuo ng suson ng langib.
  • Karaniwang nangyayari sa mga lugar kung saan maraming glandula ng balat, hal. sa ulo, noo, mga pisngi, kilay, mga tainga, kili-kili, tiyan at mga tiklop sa pagitan ng mga hita. Kapag lumilitaw sa anit, karaniwan itong kilala bilang "cradle cap".
  • Kadalasang lumilitaw kapag ang sanggol ay halos tatlong linggo hanggang tatlong buwang gulang. Kadalasan, unti-unti itong gagaling sa halos anim na buwang gulang.
Sanhi:

Hindi ganap na malinaw ang dahilan.

Pangangalaga:
  • Linisin ang balat ng sanggol gamit ang tubig. Hindi ipinapayo ang paggamit ng sabon / gel na pampaligo.
  • Pahiran ng moisturising cream sa tuwing matapos ang paglilinis upang mapanatiling mamasa-masa ang balat.
  • Para sa makakapal na kaliskis sa anit, pahiran ng langis ng oliba at iwanan nang halos dalawampung minuto upang mapalambot ang mga ito. Pagkatapos ay punasan nang marahan ang mga kaliskis gamit ang mga swab na bulak. I-shampoo ang buhok ng sanggol at gumamit ng suklay upang alisin ang mga patse na nakadikit sa buhok.
  • Ulitin ang mga hakbang na ito kung kinakailangan.
  • Kumonsulta sa doktor kung malubha ang kondisyon o kung mukhang mapula at namamaga ang anit.

Contact Dermatitis

Maaaring uriin ang contact dermatitis sa mga uri na makati at allergy. Nangyayari ito sa mga bahagi ng balat na direktang nadadaiti sa mga substansya na nagdudulot ng iritasyon o allergy.

Hitsura:
  • Nangyayari sa mga bahagi na kadalasang nasa mga lugar ng pagkadaiti sa mga allergen / sanhi ng iritasyon.
  • Nagiging mapula at makati ang balat. Maaaring lumitaw ang maliliit na paltos.
Sanhi:
  • Nangyayari ang mga reaksyon na pamamaga sa paulit-ulit na pagdaiti ng balat sa mga sanhi ng iritasyon gaya ng laway ng sanggol, mga sabon, pagkain o gamot.
  • Maaaring ito ay dahil sa mga pagtugon na allergy matapos mapadikit sa mga sanhi ng allergy, hal. ilang metal gaya ng pilak, tina atbp. Maaaring hindi alam ng mga magulang ang mga substansyang ito dahil maaaring mukhang hindi mapanganib ang mga ito.
Pag-iwas at Pangangalaga:
  • Pinakamahalaga na iwasang madikit sa mga substansyang nakakairita at posibleng mga sanhi ng allergy.
  • Katulad ang pangangalaga ng sa atopic dermatitis.
  • Kumonsulta sa doktor kung walang pagbabago o kung matindi ang kondisyon.
Paggamot:
  • Maaaring magreseta ang doktor ng angkop na gamot gaya ng steroid na krema kung kinakailangan. Sa ilang kaso, ginagawa ang pagsusuri ng balat sa allergy upang malaman ang (mga) sanhi ng allergy.

Kung mayroon kayong anumang tanong, mangyaring talakayin sa inyong doktor/pediatrician ng pamilya o sa aming mga doktor at nurse sa Maternal and Child Health Centres.