Pagbabantay sa Kalusugan ng Maliliit na Sanggol (Pagsilang hanggang 3 buwan)

(Binago ang nilalaman 12/2019)

Bago ang paglabas sa ospital, dapat nasuri ng doktor ang inyong bagong silang na sanggol upang tiyakin na ganap siyang malusog para makauwi sa bahay. Pagkatapos irehistro sa aming Sentro ng Kalusugan ng Ina at Anak (Maternal & Child Health Centre), ihahanda ang isang rutinang pagsusuri para sa inyong sanggol. Mga layunin nitong mga maagang pagsusuri na matukoy ang anumang namamanang abnormalidad o iba pang makabuluhang mga kondisyon pagkasilang na maaaring mangailangan ng higit pang medikal na atensyon, at upang irekod ang kasalukuyang kalagayan ng kalusugan ng inyong sanggol para maging sanggunian sa hinaharap. Gayunpaman, hindi nakikita ang lahat ng problema sa kalusugan, kabilang ang mga namamana, sa pamamagitan nitong maaagang pagsusuri at maaaring nakikita lamang ang ilan kinalaunan. Bagama't hindi ito karaniwan, maaaring magkasakit ang mga maliliit na sanggol (lalo na ang bagong silang) at medyo mabilis na lumubha. Kaya mahalagang alam ninyo kung kailan kaagad hihingi ng agarang medikal na payo.

Ang mga sumusunod ay mga tagapagpahiwatig ng malubhang sakit sa mga sanggol na dapat tandaan ng mga magulang at kumilos nang naaangkop:

Pananamlay at Pagiging Antukin

Inilalaan ng mga bagong silang na sanggol ang karamihan ng oras nila sa pagtulog. Gayunpaman, dapat gumising ang inyong sanggol kada ilang oras, kumaing mabuti at maging kontento at alerto kapag gising. Dapat kayong partikular na maging maingat kung may biglaang pagbabago sa kanyang karaniwang kagawian—maaaring palatandaan ito ng malubhang sakit. Kung mukha siyang sobrang pagod o inaantok, madalang na alerto at hindi magising para pasusuhin, dapat ninyong dalhin ang inyong sanggol sa doktor.

Kahirapan sa Paghinga

Karaniwang tumatagal ng ilang oras upang umayos sa normal na pattern ng paghinga ang mga bagong silang na sanggol sa halos 20-40 paghinga kada minuto. Karaniwang pinakaregular ang paghinga kapag natutulog siya. Paminsan-minsan kapag gising siya maaari siyang huminga nang mabilis sa napakaikling oras at pagkatapos ay babalik sa normal na pattern.

Dapat ninyong dalhin ang inyong sanggol sa doktor kung napansin ninyo na siya ay:

  • Paulit-ulit na humihinga nang napakabilis, sabihin nating mas higit sa animnapung paghinga kada minuto kapag siya ay wala pang dalawang buwang gulang o higit sa limampung paghinga kada minuto kapag siya ay 2-3 buwan gulang
  • Mukhang nagsisikap na huminga at hindi makasuso
  • Nagpapakita ng pagbuwelo ng butas ng kanyang ilong kapag humihinga
  • May malabo o mala-bughaw na kulay ng balat at mga labi

Problema sa sirkulasyon

Kung minsan maaaring magmukhang asul ang mga kamay at paa ng mga bagong silang na sanggol kapag nailantad sa malamig na kapaligiran ngunit dapat bumalik sa rosas sa sandaling mainitan sila. Paminsan-minsan maaaring maging medyo asul ang kanyang mukha, dila at mga labi kapag pinipigil ang kanyang paghinga nang sandali habang umiiyak ng malakas. Hindi mo kailangang mag-alala hangga’t bumalik ang kulay ng mga bahaging ito sa normal kapag kalmado na siya. Gayunpaman, kung biglang naging maputla ang inyong sanggol at paulit-ulit o naging asul ang buong katawan, maaaring may mga problema sa kanyang puso o mga baga. Kailangan ang agarang medikal na atensyon.

Kondisyon ng pagkakaroon ng tubig sa katawan

Maaaring madali at mabilis na ma-dehydrate ang mga sanggol. Dapat ninyong tiyakin na may sapat na naiinom na likido ang inyong sanggol, lalo na kapag nangyayari ang pagsuka at pagtatae. Kalkulahin ang dami ng gatas na inininom sa loob ng nakalipas na 24 na oras at ikumpara sa kanyang karaniwang pag-inom. Kung pinasususo ninyo ang inyong sanggol, tandaan ang dalas at tagal ng aktibong pagsuso at ikumpara sa kanyang karaniwang pattern ng pagsuso. Inia-adjust ng mga sanggol ang dami ng gatas na iniinom nila upang makamit ang kanilang mga pangangailangan sa paglaki at pag-unlad. Maaari kayong sumangguni sa seksyon tungkol sa “Gaano karaming gatas ang kailangan ng sanggol sa isang araw” na nasa polyetong “Gabay sa Pagpapainom sa Bote” para sa sanggunian. Kung hindi kayo tiyak kung umiinom ang inyong sanggol nang sapat, dapat kayong humingi ng payo mula sa ospital na paanakan o anumang MCHC. Maaari ninyong subaybayan ang iniinom na likido sa pag-oobserba sa pag-ihi ng inyong sanggol. Kung kapansin-pansing kaunti ang iniihi ng inyong sanggol sa mahigit na 24 na oras, hal. mababa sa 6 na lampin sa maliliit na sanggol sa katapusan ng unang linggo, maaaring nanganganib siya sa pagkawala ng tubig sa katawan. Dapat ninyong dalhin ang inyong sanggol sa doktor.

Malaking Tiyan

Karamihan sa mga sanggol na medyo may malaking tiyan lalo na pagkatapos ng maraming pag-inom ng gatas, ngunit dapat itong malambot sa pagitan ng mga pagpapainom ng gatas lalo na kapag natutulog ang sanggol. Kung paulit-ulit na mukhang namamaga at matigas ang kanyang tiyan at kasabay ang hindi pagdumi o pag-utot sa loob ng isang araw o higit pa, o sumusuka nang paulit-ulit, dapat ninyo siyang dalhin sa doktor dahil maaaring tanda ito ng malubhang problema sa kanyang bituka.

Lagnat

Kapag mukhang hindi karaniwan di-mapakali o mainit-init ang inyong sanggol, kuhanin ang kanyang temperatura. Mas ligtas na pagpili ang pagkuha ng temperatura sa kilikili at lalong ipinapayo para sa mga sanggol na wala pang 3 buwang gulang. Kung ang temperatura sa kilikili ay mas mataas sa 37.3 °C / 99.1 °F o ang temperatura sa kanal ng tainga ay mas mataas sa 38 °C / 100.4 °F, dapat ninyo siyang dalhin sa doktor dahil maaaring tanda ito ng impeksyon. Kailangan ang maagang medikal na atensyon dahil maaaring lumubha nang mabilis ang kondisyon ng maliliit na sanggol.

Pumunta kaagad sa inyong mga doktor kung ang inyong sanggol ay

  • Mukhang maputla, inaantok at mainit
  • Matamlay o labis na umiiyak
  • Sumusuka ng berde o may mantsa ng dugo na likido
  • Hindi talaga kumakain o may biglang pagbabago sa gana
  • May kumbulsyon
  • Paulit-ulit na paghinga nang napakabilis o nagsisikap na huminga
  • Humihinto sa paghinga nang 15 segundo o higit pa