Pangangalaga sa Pusod

(HTML Binago ang nilalaman 06/2020)
  1. Kadalasang humihiwalay ang pusod sa pagitan ng 5 hanggang 10 araw pagkatapos ng pagsilang. Ngunit sa ilang sanggol maaaring tumagal ng tatlong linggo o mas mahaba pa para humiwalay.
  2. Panatilihing malinis at tuyo ang pusod. Sa tuwing mapapansin ninyo ang ilang pag-discharge sa ibaba ng pusod (ibig sabihin ang koneksyon sa pagitan ng pusod at dingding ng tiyan), hal. pagkatapos paliguan o palitan ng lampin, kailangan ninyo itong linisin.
  3. Paano linisin ang pusod:
    Gumamit ng cotton bud na ibinabad sa malamig na pinakuluang tubig* para linisin ang ibaba ng pusod. Gumamit ng bagong cotton bud sa bawat pag-swab, ulitin ang pag-swab hanggang lubusang malinis ang ibaba ng pusod. Sa huli, i-swab at linisin ang tuod ng pusod. Tandaang linisin ang pusod nang dahan-dahan upang maiwasan ang pagdugo.

    * Ipinakikita ng ebidensiya na walang ipinagkaiba sa posibilidad ng impeksyon kapag gumagamit ng malamig na pinakuluang tubig o antiseptiko sa paglinis ng ibaba ng pusod. Kapag gumamit ng alkohol, maaari pa nitong maantala ang paghiwalay ng pusod.

  4. Huwag ibalot ang lampin nang masyadong mahigpit at panatilihin itong nasa ibaba ng pusod. Makatutulong ito sa pananatiling tuyo ng pusod at pigilan ang lampin mula sa pagkuskos sa pusod na nagiging sanhi ng pagdugo.
  5. Huwag gumamit ng anumang pantapal upang takpan ang pusod o pahiran ng anumang gamot gaya ng langis, pamahid, pulbos para sa pusod o band-aid, atbp. dito.
  6. Maaari ninyong mapansin ang ilang patak ng dugo sa lampin sa halos oras na malaglag ang tuod, normal ito. Ituloy ang regular na paglilinis ng pusod gamit ang malamig na pinakuluang tubig hanggang lubusan itong matuyo. Maghihilom ang sugat sa loob ng 2-3 araw at huhupa ang pagtagas.
  7. Mangyaring dalhin ang inyong sanggol sa MCHC o Klinika ng Pangkalahatang Out-Patient / Doktor ng Pamilya kung napansin ninyo ang mga sumusunod na kondisyon:
    • Mga palatandaan na nagpapahiwatig ng impeksyon ng pusod, gaya ng pagkakaroon ng mapulang balat sa paligid ng ilalim ng pusod, masamang amoy o natipong nana;
    • Pagkakaroon ng mga bukol sa pusod matapos malaglag ang pusod;
    • Parang tumutulak palabas ang tali at pusod kapag umiiyak ang sanggol.
  8. Kung mayroong malubhang pagdugo mula sa pusod, mangyaring dalhin ang inyong sanggol sa Departamento ng A & E upang makatulong ang tauhan sa panggagamot na huminto ang pagdugo nang maaga at para malaman ang sanhi ng pagdugo.