Developmental Dysplasia of Hip

(Binago 04/2015) (Muling inilimbag 03/2018 )

Ano ang Developmental Dysplasia of Hip (DDH)?

Nilikha ang kasu-kasuan ng balakang bilang isang bola (femoral head) at socket na kasu-kasuan. Upang lumaki nang normal, dapat nasa loob ang 'bola' ng hugis-tasa na socket ng balakang. Ang ‘Developmental Dysplasia of Hip’ (DDH) ay isang kondisyon kung saan isinilang ang sanggol na may hindi matatag na kasu-kasuan ng balakang o hindi lumalaki nang normal ang kasu-kasuan ng balakang habang lumalaki ang bata dahil sa mga namamanang dahilan o masamang postura, kaya nakaaapekto sa pag-unlad nito at nagreresulta sa abnormal na paglaki ng socket ng balakang. Sa DDH, maaaring mababaw ang socket ng balakang at kaya maaaring dumulas papasok at palabas sa socket ang 'bola'. Dahil dito, maaaring gumalaw nang bahagya o ganap sa labas ng socket ng balakang, na humahantong sa bahagyang dislokasyon o ganap na dislokasyon ng kasu-kasuan ng balakang.

Sino ang mas malamang na magkaroon ng DDH?

Ipinakikita ng pananaliksik na nangyayari ang DDH sa halos 1 bawat 1000 bagong silang sa Hong Kong.

Habang hindi malinaw sa kasalukuyan ang mga sanhi ng DDH, ipinakikita na ang ilang dahilan na namamana ay nagpataas sa tsansa ng pagkakaroon ng DDH sa ilang sanggol.

  • Isinilang nang suhi (ibig sabihin una ang mga paa)
  • May kasaysayan ng DDH ang mga kapatid
  • Babaeng sanggol ( halos 80% ng mga pasyente ay babae)
  • Nabawasang dami ng likido sa sinapupunan ng ina habang nagbubuntis
  • Pagiging kulang sa buwan
  • Pagkakaroon ng matinding kapansanan sa paa sa pagsilang
  • Pagkakaroon ng matinding pilipit na leeg (torticollis) sa pagsilang

Gayunman, halos 60% ng mga sanggol na may DDH ang wala ng alinman sa mga nabanggit na dahilan. Kaya dapat bantayan ng mga tagapag-alaga ang mga palatandaang nagmumungkahi ng DDH sa mga sanggol para sa paghingi ng maagang medikal na atensyon.

Ano-ano ang mga epekto ng DDH sa mga sanggol?

Para sa karamihan ng mga sanggol na may DDH na natuklasan nang maaga, maaaring bumalik sa normal ang paglaki ng kasu-kasuan ng balakang matapos ang paggamot. Gayunman, magreresulta sa pag-ikli ng mga apektadong braso o binti, mga kahirapan sa kadaliang kumilos, pagkurba ng gulugod, puwersa sa mga tuhod at sakong, at maagang paghina ng mga kasu-kasuan ng balakang ang kabiguang ma-diagnose at magamot kaagad ang kondisyon kasama ng patuloy na paghina ng kondisyon.

Paano malalaman kung ang mga kasu-kasuan ng balakan ng sanggol ay normal?

Sa Hong Kong, karaniwang ini-screen ng mga doktor ang lahat ng bagong silang bago ilabas upang matiyak na nasa mabuting kalusugan sila. Sinusuri din ng mga doktor ng Maternal and Child Health Centres (MCHC) ng Kagawaran ng Kalusugan ang mga balakang ng mga bagong silang upang matuklasan ang abnormalidad sa kasu-kasuan ng balakang upang magawa ang tamang mga referral sa espesyalista para sa karagdagang pagsusuri.

Paano ito ginagawa: Huhubarin muna ng doktor ang damit ng sanggol at aalisin ang lampin upang ilabas ang kanyang ibabang tiyan at mga binti, at hahayaan siyang humiga nang tahimik at maginhawa sa sopa. Oobserbahan ng doktor ang kadaliang kumilos ng kanyang mga binti; pagkakaiba sa haba ng binti; kung maibubuka ang mga hita nang pantay sa parehong gilid; anumang halatang hindi pantay na mga tiklop ng balat sa mga hita; at anumang tabingi sa mga talampakan o tabingi na leeg (torticollis). Gagawin din ang isang partikular na eksaminasyon upang ilabas ang femoral head at ipasok sa socket para sa mga sanggol bago ang edad na 2 buwan.

Susuriing muli ng mga nurse ang mga kasu-kasuan ng mga sanggol sa 2 hanggang 4 na buwang gulang sa panahon ng mga rutinang panayam.

Katulad ng iba pang mga pagsusuring pag-screen, maaaring hindi matuklasan ng mga nabanggit na eksaminasyon ang lahat ng sanggol na may dislokasyon o kawalang-tatag ng kasu-kasuan ng balakang. Dapat bantayan ng mga tagapag-alaga ang kondisyon ng kanilang sanggol upang maaaring matukoy nang maaga ang mga abnormalidad ng balakang.

Kung normal ang mga resulta ng eksaminasyon, ano pa ang dapat malaman ng mga magulang at tagapag-alaga?

Maaaring magpakita ang DDH pagkatapos isilang. Posibleng mabuo ito nang unti-unti habang lumalaki ang bata. Kaya, dapat mas bigyang-pansin ng mga magulang at tagapag-alaga ang kondisyon ng sanggol sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Humingi kaagad ng medikal na payo kung ang sanggol ay:

  • May hindi pantay na haba ng mga binti
  • May hindi pantay na mga tiklop ng balat sa parehong gilid ng puwit o mga hita
  • Hindi maibuka nang ganap ang kanyang mga binti o ibinubuka ang kanyang mga binti nang hindi pantay habang pinapalitan ng lampn
  • Hinihila ang isang binti kapag gumagapang
  • Tumatayo sa abnormal na postura, hal. iniaangat ang sakong at binabalanse ang katawan sa isang gilid
  • Lumalakad na may abnormal na lakad, hal. iika-ika o naglalakad gamit ang mga daliri sa paa

Maaari bang maiwasan ang DDH?

Bagama't nananatiling hindi malinaw ang karamihang sanhi ng DDH, ipinakikita ng pananaliksik na makakaapekto sa normal na paglaki ng kasu-kasuan ang tumaas na presyur sa mga kasu-kasuan ng balakang, bilang resulta ng pagtutuwid ng mga binti gamit ang puwersa at mahigpit na pagbibigkis. Dapat panatilihin ng mga magulang at tagapag-alaga ang mga kasu-kasuan ng balakang ng sanggol sa magandang postura. Kung kinakailangang ibigkis o hawakan ang sanggol sa nakapirming posisyon, siguraduhin na may sapat na espasyo para makayuko ang sanggol at maiunat nang malaya ang kanyang mga binti.

Kapag gumagamit ng mga sakbat ng sanggol:

  • Huwag ituwid o diinan ang kanyang mga binti nang magkasama gamit ang puwersa.
  • Siguraduhin na may sapat na espasyo para mapanatili ng kanyang mga balakang at tuhod ang natural na posisyon ng pagbaluktot at upang makagalaw nang malaya.
  • Kung ginagamit ang mga sakbat ng sanggol: Piliin ang mga sumusuporta sa hita ng sanggol (mula puwit hanggang mga hita) nang mabuti upang maiwasang nakabitin ang kanyang mga binti kaya nagdudulot ng presyur sa mga kasu-kasuan ng balakang.
  • Kung ginagamit ang upuan ng sanggol sa kotse: Piliin ang uri na mas sapat na espasyo para maiunat ng sanggol ang kanyang mga kasu-kasuan ng balakang at mga binti.

Paano pamahalaan ang mga sanggol na may pinaghihinalaang hip dysplasia?

Pagkatapos ng panimulang pagsusuri, isasangguni ng mga doktor ang sanggol na may pinaghihinalaang DDH sa mga espesyalista para sa karagdagang eksaminasyon, gaya ng pag-scan gamit ang ultrasound o eksaminasyon ng x-ray, upang makumpirma ang diagnosis at makapagbigay ng angkop na paggamot.

Nakadepende ang paggamot para sa DDH sa edad ng sanggol sa panahon ng pag-diagnose at tindi ng abnormalidad ng kasu-kasuan. Layunin ng paggamot na ibalik ang femoral head sa socket ng balakang upang maaaring lumaki nang normal ang balakang. Sa mas maaagang pagkumpirma ng pag-diagnose, mas mabisa ang magiging paggamot. Kung na-diagnose ang DDH pagkatapos ng pagsilang, maaaring maibalik ng mga doktor ang mga kasu-kasuan ng balakang sa normal na posisyon nito nang madali gamit ang kamay. Maaaring magamot ang mga ito nang matagumpay gamit ang brace - ‘Pavlik Harness’. Pinanatili nito ang mga balakang at mga tuhod sa tamang posisyon (posisyon ng binti ng palaka) - nakatiklop ang mga binti at nakapihit palabas Maaaring kailangang magsuot ng sanggol ng balangkat (splint) nang ilang buwan hanggang mapatatag ang mga kasu-kasuan ng balakang at mabuo nang normal ang mga socket ng balakang. Kung hindi gumana ang balangkat (splint), o medyo matindi ang abnormalidad ng kasu-kasuan, o na-diagnose ang DDH sa edad na 6 na buwan hanggang 2 taon, maaaring mangailangan ng operasyon ang sanggol.

Kung mayroon kayong anumang tanong tungkol sa mga kasu-kasuan ng balakang ng inyong sanggol o paglaki ng hita at binti, mangyaring humingi kaagad ng payo mula sa mga propesyonal ng pangangalaga ng kalusugan.