Mga Paggalaw ng Sanggol

Sa pangkalahatan, nararamdaman ng buntis ang mga paggalaw ng kanyang sanggol simula sa halos 18 hanggang 24 na linggo. Para sa babaeng dati nang nanganak, mararamdaman niya ito nang mas maaga pa. Habang lumalaki ang sanggol, mas mahahalata at regular ang mga paggalaw.

Hindi mararamdaman ng buntis ang mga mahinang paggalaw ng kanyang sanggol, gaya ng pagsupsop ng hinlalaki o pag-inat ng mga daliri ng kamay at paa. Mararamdaman niya ang pagsipa, mga pag-ikot at maaaring ang mga pagsinok (maliliit na may ritmong pagkibot) sa panahon ng huling trimestre (pagkatapos ng 28 linggo) ng pagbubuntis. Pinakanahahalata ang lahat ng paggalaw na ito sa mga huling buwan ng pagbubuntis at dapat maramdaman hanggang sa oras na siya ay mag-labor. Maaaring hindi maramdaman ng ilang kababaihan na gumalaw ang kanilang mga sanggol nang kasing dami o kasing lakas ng nararamdaman ng iba pang ina, kahit na mabuti ang kalagayan ng kanilang mga sanggol.

Dapat bang irekord ng buntis ang mga bilang ng pagsipa?

Napakagandang gawi ang pagiging may kamalayan sa mga paggalaw ng sanggol sa bawat araw. Gayunman, hindi kailangang magkaroon ng nakasulat na rekord ng mga paggalaw ng sanggol nang regular. Bagong isilang, nagkakaroon ang mga sanggol ng mga siklo ng pagtulog at paggising katulad ng sa isang bagong silang na sanggol. Magiging tahimik o tulog ang lahat ng malulusog na sanggol sa loob ng maiikling panahon na kadalasang nagtatagal nang mababa sa 90 minuto. Pinakamararamdaman ninyo ang mga paggalaw kapag nagrerelaks kayo habang nakahiga o nakaupo. Hindi ninyo gaanong mararamdaman ang mga paggalaw ng inyong sanggol habang nakatayo, naglalakad o kung abala kayo sa iba pang bagay.

Mga puntong tatandaan

Kung hindi ninyo nararamdaman ang mga paggalaw ng sanggol pagsapit ng 24 na linggo ng pagbubuntis, dapat kayong kumonsulta sa isang medikal na propesyonal. Bukod dito, kung nararamdaman ninyo ang nabawasang normal na pang-araw-araw na aktibidad ng paggalaw ng inyong sanggol sa panahon ng pagbubuntis, dapat kayong humanap ng tahimik na lugar, humiga nang patagilid at mag-concentrate sa paggalaw ng sanggol. Kung nararamdaman ninyo ang mababa sa 10 beses na paggalaw ng sanggol sa loob ng dalawang oras, dapat kayong kumonsulta sa inyong doktor o ospital na paanakan para sa agarang karagdagang pagsusuri.