Paglaki ng Sanggol sa Sinapupunan sa Huling Bahagi ng Pagbubuntis

Huling bahagi ng pagbubuntis

29-36 na linggo ng pagbubuntis

Habang lumalaki ang inyong sanggol, kakaunti ang espasyo para sa inyong mga baga at maaari kayong makaramdam ng pagkahingal. Karaniwan ang pamumulikat ng binti sa gabi, at maaari kayong mahirapan sa pagtulog. Maaari din ninyong mapansin na kailangan ninyong umihi nang madalas. Makakaramdam kayo ng mas maraming pananakit ng likod habang lumalaki ang sanggol at sumisiksik sa inyong gulugod at balakang.

Nagpapatuloy ang inyong sanggol na maging napakaaktibo at maaaring sinisinok. Napakabilis ng pagtaas ng kanyang timbang. Nabubuo ang iba't-ibang rehiyon ng utak. Nagpapatuloy na tumigas ang buto ng inyong sanggol, ngunit nananatiling malambot at flexible ang bungo para sa pagsilang. Nabubuo ang panlasa, at maaaring makalasa ang sanggol ng matamis at maasim.

Sa 35 linggo, karaniwang nakahiga ang sanggol na pababa ang kanyang ulo, bilang paghahanda sa pagsilang. Gumugulang ang mga baga at naghahanda upang gumana sa labas ng matris sa 36 na linggo.

Maaari kayong makaramdam ng hindi regular na paghigpit sa inyong sinapupunan – kilala bilang Braxton-Hicks contraction, na normal na bahagi ng pagbubuntis. Gayunpaman, kung nakakaramdam kayo ng mas madalas, regular, masakit na paghilab o iba pang kaugnay na mga palatandaan ng pagle-labor (tulad ng pagpapakita o pagtagas), dapat kayong kumonsulta sa inyong doktor o pumunta sa ospital.

37-40 na linggo ng pagbubuntis

Bumababa ang sanggol sa balakang. Mas maraming taba ang naiipon, lalo na sa paligid ng mga siko, tuhod, at balikat.

Mula sa 37 linggo pasulong, itinuturing ang inyong sanggol na magulang na (ganap na termino) at maaaring magsimula ang mga paghilab ng pagle-labor anumang oras.