Mga Pagbabago sa Suso Habang Nagbubuntis

Sa panahon ng pagbubuntis, inihahanda ng mga hormon sa inyong katawan ang inyong mga suso para sa pagpapasuso. Maaari kayong makaranas ng paglaki ng mga suso, mga utong at areola. Maaaring tumaas ang tisyu ng suso hanggang sa kili-kili, at maaaring magkaroon ang ilang babae ng karagdagang tisyu ng suso (accessory breast tissue) sa ilalim ng kili-kili.

Maaari ninyong mapansin ang pag-itim ng mga utong at areola dahil sa mga hormon na nakaaapekto sa kulay ng balat.

Maaari din ninyong makita na mas kapansin-pansin ang mga ugat sa inyong suso dahil mas tumaas ang supply ng dugo sa inyong mga suso.

Uumbok ang maliliit na glandula sa paligid ng mga areola na tinatawag na Montgomery’s tubercles

Mga payo

Patuloy na lalaki ang inyong mga suso habang nagbubuntis. Maaari itong magdulot ng kawalang-ginhawa at pananakit kung minsan.

Maaaring makatulong dito ang pagsusuot ng bra na kasyang-kasya sa inyo.

Maaaring kailanganin ninyong magpalit ng bra kada trimester para iangkop sa paglaki ng inyong mga suso.

Lumalaki at nababanat ang daluyan ng gatas dahil napupuno ito ng gatas habang nagbubuntis. Dahilan ito ng pagiging mas sensitibo ng inyong mga suso, lalo na ang inyong mga utong. Maaari itong magdulot sa inyo ng kawalang-ginhawa.

Colostrum

Maaaring magsimulang magtagas ang inyong mga suso ng madilaw at malapot na substansya na kilala bilang colostrum. Maaari itong mangyari nang kasing-aga ng ika-14 na linggo ng inyong pagbubuntis.

Ang mga babaeng hindi nakararanas ng paglalabas ng colostrum habang nagbubuntis ay gumagawa pa rin ng gatas para sa kanilang sanggol pagkatapos magsilang.

Kailan kayo dapat humingi ng pangangalagang medikal?

Kung mapansin ninyo ang alinman sa mga sumusunod, ipinapayo na humingi kayo ng medikal na payo:

(Mangyaring sumangguni sa mga detalye ng “Kaalaman sa suso” sa website ng FHS sa http://s.fhs.gov.hk/7g38e)

  • mga bagong bukol
  • pananakit (lalo na kung sa isang bahagi ito nararamdaman o kung lumulubha ito)
  • pamumula
  • mga pagbabago ng balat o utong tulad ng pagkapal, pagkakaroon ng biloy o ulsera
  • anumang substansya na may kulay (maliban sa colostrum) mula sa inyong utong
  • kapansin-pansing bukol sa kili-kili