Pag-iwas sa Impeksyon ng Neonatal Group B Streptococcus

(Binago ang nilalaman 02/2013)

Ano ang Group B Streptococcus?

Ang Group B Streptococcus (GBS) ay isang uri ng bakterya na karaniwang tumitira sa bituka, mga daluyan ng ihi at reproductive tract ng kalalakihan at kababaihan. Maaari itong makita sa 10-30% ng puwerta o tumbong ng mga buntis. Walang sintomas o mga epekto sa kalusugan ang karamihang buntis na may GBS. Maaaring magkaroon ang ilan ng impeksyon sa daanan ng ihi sanhi ng GBS. Hindi ito sakit na naipapasa sa pakikipagtalik.

Paano nakaaapekto sa sanggol ang impeksyon ng GBS?

Ang pinakamalubhang epekto sa kalusugan ng GBS ay ang maipasa ito ng babaeng may GBS sa kanyang sanggol sa huling bahagi ng kanyang pagbubuntis. Ito ang pinakakaraniwang sanhi ng matindi at maagang pagsisimula ng impeksyon sa mga bagong silang na sanggol na may mataas na antas ng sakit at pagkamatay (5-10%). Sa Hong Kong, ang insidente ng maagang pagsisimula ng impeksyon ng GBS sa mga bagong silang na sanggol ay halos 1.0 bawat 1000 pagsilang. Maaaring magkaroon ang sanggol ng maaga o huling pagsisimula ng impeksyon ng GBS.

Para sa maagang pagsisimula ng impeksyon ng GBS, karaniwang nangyayari ang mga palatandaan at sintomas sa loob ng ilang oras ng pagsilang. Kabilang dito ang:

  • Mga problema sa paghinga, kawalang-katatagan ng puso at presyon ng dugo
  • Mga problema sa sikmura at bituka
  • Pinakakaraniwan ang impeksyon sa baga, impeksyon sa dugo at meninghitis

Para sa huling pagsisimula ng impeksyon ng GBS, nangyayari ang mga palatandaan at sintomas sa loob ng isang linggo o ilang buwan ng pagsilang. Pinakakaraniwang sintomas ang meninghitis. Gayunman, hindi kasing karaniwan ng maagang pagsisimula ang huling pagsisimula.

Paano ko malalaman kung may GBS ako?

Magbibigay ang klinika bago manganak ng Hospital Authority at Maternal and Child Health Centre ng Kagawaran ng Kalusugan ng pag-screen sa GBS para sa lahat ng karapat-dapat at buntis na kababaihan. Ginagawa ang pag-screen sa pagitan ng 35 at 37 linggo ng pagbubuntis. Sangkot sa pagsusuri ang pag-swab sa parehong puwerta at tumbong. Mabilis ang pamamaraan at hindi dapat makirot. Pagkatapos, dinadala ang sampol sa laboratoryo kung saan inaanalisa ang culture para sa anumang presensya ng GBS. Maaaring magpositibo sa pagsusuri ang isang babae sa ilang pagkakataon at hindi sa iba dahil maaaring maging nasa inyong katawan ang bakterya nang paminsan-minsan. Kaya mas pinipili na magsagawa ng pagsusuri sa pagitan ng 35 hanggang 37 linggo, na panahong pinakamalapit sa inyong panganganak.

Maaaring sumailalim sa pag-screen ang hindi karapat-dapat na kababaihang buntis alinman sa klinika ng HA (may dagdag na singil), sa pribadong sektor o sa Mainland China.

Paano kung magpositibo ako sa pagsusuri para sa GBS? Paano mapoproteksyunan ang aking sanggol mula sa impeksyon?

Hindi lahat ng sanggol na isinilang ng isang ina na nagpositibo sa pagsusuri para sa GBS ay magkakasakit. Halos isa sa bawat 100 hanggang 200 sanggol na ang ina ay nagdadala ng GBS ay magkakaroon ng mga palatandaan at sintomas ng impeksyon.

Kung nagpositibo kayo sa pagsusuri para sa GBS, inirerekomenda namin na bigyan kayo ng iniksyon sa ugat ng mga antibayotiko sa panahon ng pagsisilang na makababawas nang malaki sa tsansa ng pagkakasakit ng inyong sanggol.

Para sa mga tagapagdala ng GBS, hindi epektibong paraan ang pag-inom ng mga antibayotiko bago magsimula ang pagle-labor upang maalis ang bakterya. Dahil natural na nakatira ang mga ito sa bituka, maaaring bumalik ang bakterya pagkatapos ng paggamot ng antibayotiko. Ang pinakaepektibong paraan upang maiwasan ang impeksyon ng sanggol ay ang pagbibigay ng antibayotiko sa panahon ng pagle-labor.

Inirerekomenda ba ang pag-screen sa GBS para sa bawat buntis?

Sa ilang kondisyon, magkakaroon ang sanggol ng mas mataas na panganib ng impeksyon. Kabilang dito ang:

  • Dating sanggol na apektado ng impeksyon ng GBS
  • May impeksyon sa daanan ng ihi ang ina dahil sa GBS sa panahon ng pagbubuntis
  • Pagsakop ng GBS bago ang 35 linggo

Sa ilalim ng mga kondisyong ito, inirerekomenda namin ang iniksyon ng antibayotiko sa panahon ng pagle-labor at hindi kailangan ang pag-screen.

May anumang iba pang kondisyon na kailangan ko ng iniksyon ng antibayotiko para maiwasan ang impeksyon ng GBS sa aking sanggol?

Kung sakaling hindi alam ang katayuan ng inyong GBS at kung mayroon ng alinman sa sumusunod na kondisyon, inirerekomenda namin na magkaroon kayo ng antibayotiko sa panahon ng pagle-labor. Kabilang sa mga kondisyon ang:

  • Pagbubuntis na wala pang 37 linggo
  • Lagnat ng ina na may temperaturang katumbas ng o mas mataas sa 38°C
  • Pumutok na ang panubigan sa loob ng mahigit sa 18 oras

Magdudulot ba ng anumang masamang epekto sa akin ang iniksyon na antibayotiko?

Susuriin namin ang inyong kasaysayan sa allergy bago kayo bigyan ng angkop na antibayotiko. Pinaaalalahanan kayo na iulat ang anumang palatandaan ng allergy gaya ng pantal sa balat, pamamaga o kahirapan sa paghinga. Napakababa ng tsansa ng matinding reaksyon sa allergy na nagdudulot ng sitwasyon na nagbabanta sa buhay.

Maaari bang ganap na maiwasan ang impeksyon ng sanggol kung nakatanggap ako ng antibayotiko sa panahon ng pagle-labor?

Bagama't tumutulong ang paggamot na antibayotiko sa panahon ng pagle-labor upang makaiwas sa maagang pagsisimula ng impeksyon ng GBS, hindi ito 100% at hindi laging napipigil ang huling pagsisimula ng impeksyon ng GBS. Maaaring makakuha ng GBS ang mga sanggol mula sa mga taong napalapit sila o sa pamamagitan ng iba pang paraan.

Kailangan ba ng aking sanggol ng paggamot pagkatapos isilang kung tagapagdala ako ng GBS?

Sasailalim ang inyong sanggol sa pangangalaga ng pediatrician pagkatapos isilang. Nakadepende sa ilang dahilan kung kailangan man ng sanggol ng anumang paggamot ng antibayotiko, kabilang ang:

  • Anumang palatandaan ng impeksyon ng sanggol?
  • Isinilang ba ang sanggol sa tamang buwan?
  • Gaano karaming antibayotiko ang natanggap ninyo bago isilang ang sanggol?

Magpapasya ang pediatrician nang indibiduwal batay sa mga pagsisiyasat o paggamot na kailangan ng sanggol.

(Inihanda ang polyetong ito ng Kagawaran ng Kalusugan at ng Hospital Authority)