Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya -Mean Cell Volume at Thalassaemia

(Binago ang nilalaman 08/2018)

Ang pagsusuri ng dugo para sa mean cell volume (MCV) ay isang simple at madaling pagsusuri na tumutulong para malaman kung sino ang may mas mataas na tsansa na magdala ng thalassaemia genes. Kabilang ang pagsusuring ito sa rutinang pagsusuri ng dugo na isinasagawa sa mga buntis.

Ano ang Thalassaemia?

Isang pangkaraniwang namamanang sakit sa dugo ang Thalassaemia na sanhi ng depekto sa gene, at nagpapakita sa dalawang anyo – thalassaemia major at thalassaemia minor.

Halos 8% ng populasyon ang mayroong genes ng thalassaemia. Karamihan ay nagmana ng isang thalassaemia gene lamang – may thalassaemia minor ang mga taong ito at kilala bilang “mga tagapagdala ng thalassaemia”. Kadalasang wala silang sintomas at kaunting bahagi lamang ang maaaring maging banayad na anemya. Hindi sila nangangailangan ng anumang espesyal na paggamot.

Thalassaemia major

Dumaranas ng thalassaemia major ang taong nagmana nang higit sa isang di-normal na mga thalassaemia gene, na isang malubhang anyo ng anemya. May dalawang pangunahing uri – alpha-thalassaemia (α-thalassaemia) at beta-thalassaemia (β-thalassaemia).

(i) maaaring humantong ang α-thalassaemia sa pagkamatay ng sanggol habang nasa sinapupunan o pagkasilang

(ii) kung walang pag-transplant ng stem cell, kadalasang mas maikli ang buhay at kakailanganin ng panghabambuhay na pagsasalin ng dugo at espesyal na paggamot ang mga dumaranas ng β-thalassaemia major.

Mga Sanhi ng Mababa Mean Cell Volume

Kung natagpuan na ang MCV ay katumbas ng o mababa sa 80 fl ng isang buntis, maaaring normal siya, dumaranas ng thalassaeia o anemya na kakulangan sa iron. Kaya, ang ama ng ipinagbubuntis ay dapat ding magkaroon ng parehong pagsusuri ng dugo.

Kung normal ang MCV ng ama ng ipinagbubuntis, malamang na hindi siya tagapagdala ng thalassaemia, at malayong magkaroon ng thalassaemia major ang kanilang sanggol sa sinapupunan.

Kung mababa ang MCV ng mag-asawa, isasangguni sila sa “Antenatal Specialist Clinic” o “Antenatal Diagnostic Clinic” para sa mga karagdagang pagsusuri ng dugo.

Kung mapatunayan na tagapagdala ng thalassaemia ang mag-asawa, mayroong 25% na tsansa na magkaroon ng thalassaemia major ang kanilang anak.

Magbibigay ang doktor ng kumpirmadong diagnosis para gabayan ang kasunod na talakayan sa mag-asawa at pamamahala ng pagbubuntis.