Pagkain o substansya na kailangang iwasan o limitahan ng mga buntis na ina

(Inilathala 01/2017)

Pinangangalagaan ng pagkakaroon ng malusog na pamumuhay ang kalusugan ng mga buntis na ina at lumalaking sanggol sa sinapupunan. Dapat lumayo ang mga buntis na ina mula sa mga sumusunod na bisyo o gawi.

  1. Ihinto ang paninigarilyo

    Pinapataas ng paninigarilyo ang tsansa ng pagsisilang ng patay na sanggol, maagang pagle-labor at mababang timbang pagsilang. Pinatataas ng second-hand smoking ang panganib ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS), pulmonya, brongkitis at hika sa maliliit na bata. Maraming programa para sa paghinto sa paninigarlyo ang maaaring makatulong sa inyo na itigil ang paninigarilyo. Tanungin ang inyong doktor at nurse para sa higit pang impormasyon tungkol sa mga programang ito. Dapat isaalang-alang ng mga miyembro ng pamilya ng mga buntis na ina na ihinto ang paninigarilyo.

  2. Iwasan ang mga inuming may alkohol (kabilang ang serbesa, alak at nakalalasing na inumin)

    Nakapipinsala ang alak sa lumalaking sanggol sa sinapupunan. Pinatataas ng pag-iinom ang tsansa ng pagkalaglag at pagsisilang ng patay na sanggol. Pinatataas nito ang panganib ng pagkakaroon ng bata na mababa ang timbang, mga depekto sa pagsilang, mga problema sa paglaki at pag-unlad. Dapat iwasan ng mga buntis na ina ang lahat ng uri ng inuming may alkohol anuman ang taglay na alkohol.

  3. Iwasang kumain ng isda na may mataas na antas ng methylmercury

    Sa matataas na antas, maaaring mapinsala ng methylmercury ang nabubuong nervous system at utak ng sanggol sa sinapupunan, mga sanggol at maliliit na bata. Dapat iwasan ng mga buntis na ina ang pagkain ng isdang may mataas na antas ng methylmercury kabilang ang pating (at mga produkto nito, tulad ng palikpik ng pating), swordfish, marlin, king mackerel, bluefin tuna, bigeye tuna, albacore tuna, yellowfin tuna, splendid alfonsino, orange roughy, yellowback seabream, dash-and-dot goatfish, atbp.

  4. Iwasan ang hilaw at di-gaanong nalutong pagkaing-dagat, karne at mga itlog

    Dapat lutuing mabuti ng mga buntis na ina ang lahat ng pagkain para maiwasan ang pagkalason sa pagkain. Tiyaking walang nakikitang dugo o hindi pula ang katas kapag hiniwa ang karne. Dapat na matigas ang pula ng itlog, hindi malasado. Lutuin o ipainit ang pagkain sa hindi bababa sa 75℃ nang hindi kukulangin sa 30 segundo.

  5. Iwasan ang mga pagkaing handa nang kainin na inilagay sa refrigerator

    Maaaring madaling makontamina ang pinalamig na handa nang kainin at inilagay sa refrigerator na mga pagkain ng bakteria na listeria. Maaaring magresulta ang impeksyon ng listeria sa panahon ng pagbubuntis sa pagkalaglag, maagang pagkamatay ng sanggol, maagang pagle-labor, malubhang problema sa kalusugan ng mga bagong silang na sanggol. Habang nagbubuntis, iwasan ang hilaw na talaba, sashimi o sushi na mayroong hilaw na pagkaing-dagat, tinapang salmon o iba pang pagkaing-dagat, pate, deli meat tulad ng hamon, turkey slice o salami (mula sa mga supermarket o salad bar), malambot na sorbetes, malambot na keso (tulad ng feta, brie, camembert at blue cheese) at di-pastyurisadong gatas (at mga pagkaing gawa rito).

  6. Limitahan ang mga pagkain o inuming nagtataglay ng caffeine

    Maaaring pataasin ng labis na caffeine ang panganib ng pagkakaroon ng mababang timbang sa pagsilang at pagkalaglag. Mataas ang antas ng caffeine ng ilang pinakuluang kape at Hong Kong-style milk tea sa mga lokal na restawran. Maaaring makakuha ng labis na caffeine sa pag-inom ng isang tasa ang mga buntis na ina. Habang nagbubuntis, ipinapayong limitahan ang pagkonsumo ninyo ng kape at matapang na tsaa o magpalit sa decaffeinated.  Bukod dito, dapat din ninyo limitahan ang mga soft drink na naglalaman ng caffeine, energy drink at dami ng tsokolate.