Buntis siya! Paano ko mapangangalagaan ang kanyang mga damdamin?

(HTML binago ang nilalaman 11/2019)

Indise

Buntis siya …

  • Bilang magiging ama,

    maaari kayong mag-alala tungkol sa kalusugan at kaligtasan ng inyong asawa sa panahon ng pagbubuntis.

  • Bilang bagong ama,

    maaari kayong maguluhan ng mga rutina sa pangangalaga sa sanggol na wala na kayong oras na bigyang-pansin ang mga emosyon ng inyong asawa, o maging ng inyong sarili.

  • Bilang mga lolo at lola,

    maaaring maingat kayong naghahanda ng maraming masusustansyang pagkain para sa bagong ina.

  • Bilang kaibigan,

    papayuhan ninyo ang bagong ina na magpahinga pa.

Kayo man ay miyembro ng kanyang pamilya o kaibigan, kasinghalaga rin ang pag-aasikaso sa kalusugan ng katawan ng ina maging ng kalusugan ng kanyang isipan bago at matapos magsilang.

Ipinakikita ng pananaliksik na, kung napananatili ng ina ang mabuting kalusugan ng kaisipan sa buong pagbubuntis, mas magiging may kakayahan siya na makaya ang mga pagbabago sa damdamin at katawan sa panahon ng pagbubuntis at ang stress sa pangangalaga ng sanggol. Sa mabuting kalusugan ng kaisipan ng ina, lalaki ang sanggol sa sinapupunan nang malusog sa isang bata na may mas matatag na mga emosyon at pag-uugali. Bukod diyan, mas makakayanan ng ama ang mga pagbabago pagkatapos isilang ang sanggol. Kaya makakabuo ang mga bagong magulang ng masaya at malusog na pamilya nang sama-sama.

Tutulungan kayo ng booklet na ito na maintindihan ang mga pagbabago sa damdamin na pinagdadaanan ng isang ina bago at matapos magsilang, at kung paano humingi ng tulong sa mga oras ng pangangailangan.

Ang paglalakbay mula pagbubuntis hanggang pagsisilang

Mula sa pagkabuntis hanggang panganganak, maaaring maging positibo o negatibo ang mga saloobin at damdamin ng ama at ng ina na may iba't ibang pagpapakita. Natural lahat ang mga naturang saloobin at damdamin at walang bagay na tama o mali.

Ang panimulang punto: Malapit na kaming magkaroon ng anak!

  • Matinding pananabik (Sa wakas, nagbunga ang aming pagmamahalan!)
  • Naiinis (Sabi ng aking biyenang babae, “Dapat mong…”; Hindi ako dapat kumain ng…? Dapat akong kumain ng mas masustansyang pagkain...?)
  • Kinakabahan (Normal na panganganak o cesarean section?;Aalagaan ba ang sanggol ng aking biyenang babae o ako mismo?;Dapat ba akong umupa ng kasambahay o Pui Yuet?)

Nagle-labor ako!

  • Matamis (Nagdadala ng bagong buhay sa mundo ang aking asawa! Mahirap na gawain ito at napakahusay ng ginagawa niya!)
  • Nasasabik (Pagkatapos ng mahabang paghihintay, narito na sa wakas ang aking anak!)

Isinilang na ang sanggol!

  • Matamis (Tingnan mo, ngumingiti ang sanggol! Tingnan mo, gumagalaw ang sanggol!)
  • Nami-miss ang sanggol (Hindi ako makapaghintay na matapos ang trabaho at makauwi para makita ang aking anak!)
  • Nayayamot (Bakit laging umiiyak ang aking anak? Hindi tumitigil sa pag-iyak ang sanggol anuman ang gawin ko.)
  • Nalilito at walang magawa (Maraming sinasabi ang mga tao tungkol sa pag-aalaga sa aking anak. Hindi talaga madali ang pag-aalaga sa sanggol!)
  • Nababalisa (Nabaligtad ang buhay ko! Wala na akong oras at espasyo para sa sarili ko.)
  • Bigo (Matapos isilang ang sanggol, mukhang nawalan na ng interes sa pakikipagtalik ang aking asawa...)

Mabilis ang panahon! Ilang buwang gulang na ang aming anak!

  • Nasisiyahan (Ang sanggol ay 6 na buwang gulang na! Napaka-cute ng kanyang mga reaksyon!)
  • Nagpapasaya ng puso (Sa kabila ng hindi kapani-paniwalang pagsubok ng pag-aalaga ng sanggol, sulit naman ang pagmasdan siyang lumalaki araw-araw. Nawawala lahat ng mga pagsubok.)

Mga pagbabago sa emosyon bago manganak

Ama: Talagang gusto naming mag-asawa na magkaroon ng anak. Bakit siya malulungkot?

Ina: Marami akong narinig tungkol sa depresyon pagkatapos manganak, pero wala ang tungkol sa depresyon bago manganak!

  • Puno ng pananabik at paghihintay ang pagbubuntis. Gayunman, hindi natin dapat makaligtaan ang iba pang damdamin na maaaring maranasan ng isang ina sa panahon ng iba't ibang yugto ng pagbubuntis at matapos magsilang. Kabilang sa ilan sa mga damdaming ito ang pagkabalisa, pagkalito, kawalang-kaya at pagkamayamutin.
  • Bukod sa mga pagsubok pagkatapos manganak, maaari ding makaranas ang mga ina ng mga problema sa damdamin sa yugto bago magsilang.
  • Tingnan natin ang mga problema sa damdamin bago magsilang at ang kanilang mga epekto, pati na rin ang mga payo sa pangangalaga ng kalusugang ng isipan ng ina sa panahon ng pagbubuntis.

Mga problema sa pag-uugali bago manganak:

  • Madalas na nakararanas ang mga buntis ng ilang pagbabago sa katawan, maging ng kawalang-ginhawa, kaya kailangang mai-adjust ang kanyang pamumuhay nang naaayon. Maaari ding maapektuhan ng pag-a-adjust na ito ang kanyang mga damdamin. Maaari siyang mag-alala tungkol sa paglaki ng sanggol o sa pagsasaayos ng pag-aalaga ng bata matapos manganak. Habang nasa landas ng pagbubuntis, nakararanas ang mga ina kung minsan ng iba't ibang pagkabagabag ng damdamin. Mahalaga para sa pamilya at mga kaibigan na bigyang-pansin ang mga damdamin ng ina.
  • Sa pangkalahatan, karaniwan sa mga tao na magkaroon ng magkakaibang tugon ng damdamin sa mga pagbabago sa buhay. Gayunman, kung nagpapatuloy ang anumang kalungkutan o pagkabalisa nang mahigit sa 2 linggo at lubhang apektado ang pang-araw-araw na paggana ng ina, maaari siyang dumaranas ng depresyon bago manganak.

Ang mga epekto ng mga problema sa pag-uugali bago manganak:

  • Kung nagdurusa ang isang babae sa mga problemang emosyonal, maaaring maapektuhan ang kanyang kalagayan ng kaisipan, pang-araw-araw na paggana, pagganap sa trabaho at maging pakikipag-ugnayan sa kanyang asawa.
  • Maaaring magkaroon ng posibleng epekto ang mga problemang emosyonal bago manganak sa paglaki ng sanggol sa sinapupunan. Maaaring magkaroon ng mas mataas na tsansa ng pagkalaglag o maagang panganganak ang mga inang nagdurusa mula sa depresyon bago manganak. Bukod diyan, iminumungkahi ng mga napag-alaman sa pananaliksik na mas malamang na magkaroon ng mga sanggol na may mga problema sa pagkontrol ng emosyon at pag-uugali ang mga ina na may depresyon bago manganak o pagkabalisa sa panahon ng pagbubuntis.
  • Maaari ding magkaroon ng mas mataas na panganib ng depresyon pagkatapos manganak ang mga ina na may depresyon o pagkabalisa bago manganak.

Pangangalaga sa mga buntis:

Maaaring pumunta ang pamilya at mga kaibigan sa mga kabanata tungkol sa "Maagang pagkilala" at "Pag-iwas sa depresyon bago o matapos manganak" para sa mga detalye tungkol sa pag-aalaga para sa kalusugan ng emosyon ng mga magiging ina.

Mga pagbabago sa emosyon matapos manganak

Ina A: Sobrang pagod ako sa lahat ng oras at mahina ang gana sa pagkain... Kung minsan nag-aalala ako na hindi nakakakain nang sapat ang sanggol, hindi maganda ang pakiramdam... Dumaranas ba ako ng depresyon pagkatapos manganak?

Ina B: Ayos lang ako. Nagagalit at nayayamot ang lahat matapos manganak. Kailangan ko lang ng kaunting tulog at pahinga, tapos magiging maayos na ako!

  • Normal bang makaranas ng mga pagbabago sa damdamin matapos manganak? Sa anong punto maaaring ituring ito bilang depresyon matapos manganak? Ano-ano ang mga sintomas ng depresyon pagkatapos manganak?
  • Pag-aralan nating ang tungkol sa paglaganap, sintomas at pamamahala ng iba't ibang problema sa pag-uugali pagkatapos manganak.

Maaaring magkaroon ng mas mataas na panganib na makaranas ang mga ina ng mga problema sa pag-uugali dahil sa mga pagbabago sa hormon, mga pagbabago sa tungkulin, ang mga pagsubok sa pag-aalaga sa sanggol at mga problema sa pamilya matapos manganak.

May 3 kategorya ng mga problema sa pag-uugali matapos manganak:

  1. Mga Pagkalungkot Matapos Manganak
  2. Depresyon Matapos Manganak
  3. Sakit sa Pag-iisip Matapos Manganak

Ang bawat isa sa mga ito ay may kanya-kanyang pag-iral, pagpapakita sa klinika, antas ng tindi at pamamahala.

  1. Mga Pagkalungkot Matapos Manganak
    • Naaapektuhan ng suliranin sa emosyon ang 40 - 80% ng mga babaeng nanganak.
    • Karaniwan itong lumilitaw sa loob ng 3 - 5 araw matapos ang pagsilang ng sanggol.
    • Kabilang sa mga sintomas ang mga pagbabago ng pag-uugali, madalas na pag-iyak, hindi makatulog at pagkamayamutin. Isa itong pansamantalang kalagayan at medyo banayad ang mga sintomas.

    Pamamahala: Sa tamang pag-aalaga at suporta, madalas kusang nawawala ang mga sintomas sa loob ng ilang araw.

  2. Depresyon Matapos Manganak
    • Halos 13 - 19% ang pag-iral ng depresyon matapos manganak sa buong mundo. Sa Hong Kong, isa sa bawat sampung nanganak na babae ang dumaranas ng depresyon matapos manganak.
    • Maaaring lumitaw nang walang abiso ang pag-uugaling depresyon matapos manganak, at maaaring unti-unting maging matindi. Ang simula ng mga sintomay ay
      karaniwang sa loob ng 6 na linggo, ngunit maaari ding mangyari anumang oras sa loob ng isang taon matapos manganak.
    • Kung nagpapatuloy ang mga sumusunod na sintomas sa loob ng mahigit sa 2 linggo, mataas ang kalamangan ng pagdanas ng depresyon matapos manganak:
      • Malungkot halos buong araw, halos araw-araw, gaya ng pagkaramdam ng depresyon at lungkot, pag-iyak ng walang malinaw na dahilan
      • Nawawala ang interes sa mga bagay na dating mayroon siyang interes (nawawala rin ang interes sa sanggol)
      • Pagkawala ng gana sa pagkain
      • Hindi makatulog o nagigising sa madaling-araw
      • Pagkapagod at pagkawala ng lakas sa halos buong araw
      • Nahihirapang mag-concentrate at gumawa ng desisyon
      • Nakakaramdam na nagkasala, walang pakinabang at walang pag-asa
      • Labis na pag-aalala at pagkamayamutin

    Pamamahala: Kung natukoy nang maaga ang kondisyon na may napapanahong paggamot at suporta mula sa pamilya, maaaring makabawi ang karamihang ina mula sa depresyon matapos manganak.

  3. Sakit sa Pag-iisip Matapos Manganak
    • Isa itong bihirang kondisyon na nakaaapekto lamang sa 0.1 - 0.5% ng mga nanganak na babae.
    • Karaniwang matindi ang mga sintomas at biglang nagpapakita sa loob ng 2 linggo matapos manganak
    • May 3 pangunahing uri ng mga sintomas:
      • Mga guni-guni sa pandinig (may naririnig na hindi umiiral na boses)
      • Mga kakaibang saloobin na sinasaktan ng ibang tao
      • Mga ideya ng pananakit sa sarili o pananakit sa sanggol

    Pamamahala: Ang Sakit sa Pag-iisip Matapos Manganak ay isang emergency sa pag-iisip. Agarang referral sa isang psychiatrist o gumagamot na Departamento ng Aksidente at Emergency ng ospital kung kinakailangan.

Pangunahing mga dahilan ng panganib ng depresyon matapos manganak

Ama A: Dating may depresyon matapos manganak ang aking asawa. Ngayong buntis siyang muli, mararanasa ba niya itong muli?

Lola: Laging matatag ang aking anak na babae. Sa palagay ko ay hindi siya magkakaroon ng depresyon matapos manganak.

Ama B: Darating ang aking ina upang tumulong, at mayroon kaming Pui Yuet at isang kasambahay – marami talaga kaming tulong! Hindi rin namin kailangang mag-alala tungkol sa aming pananalapi. Paanong posibleng dumanas ng depresyon ang aking asawa?

  • Hindi alam ang eksaktong dahilan ng depresyon matapos manganak. Ipinakita ng pananaliksik na maraming kadahilanan na maaaring magpataas ng panganib ng depresyon matapos manganak sa mga kababaihan.
  • Maaaring maiwasan ang ilan sa mga dahilang ito, o mapamahalaan sa pamamagitan ng maagang pagtukoy at tamang paggamot.
  • Tingnan natin ang pangunahing mga dahilan ng panganib ng depresyon matapos manganak.

Mga dahilan sa klinika

  • Kasaysayan ng sakit sa pag-iisip kabilang ang depresyon at mga sakit sa pagkabalisa
  • Ipinapakita ng mga sintomas ng depresyon o pagkabalisa sa panahon ng pagbubuntis

Mga dahilang psychosocial

  • Pagkatao na madaling mabalisa
  • Kakulangan sa suporta sa pakikipagkapwa
  • Makabuluhang problema sa kaugnayan ng mag-asawa
  • Makabuluhang problema sa kaugnayan sa mga biyenan
  • Karahasan sa pamilya
  • Mga kahirapan sa pananalapi

Mga dahilan na may kaugnayan sa pagbubuntis, panganganak at sanggol

Halimbawa,

  • Mga komplikasyon bago at matapos manganak
  • Emergency na cesarean section
  • Dating pagkalaglag at mahirap na paglilihi
  • Hindi nakaplanong pagbubuntis o nag-aalinlangan sa pagbubuntis
  • Sanggol na isinilang na may matinding sakit mula sa pagkabata o maagang pagsilang

Maagang pagtukoy

Ama: Mahal, magiging mabuti ka kung hindi ka labis na mag-aalala.

Lola: Kinakabahan noon pa man ang aking anak na babae. Kaya, hindi kailangang masyadong magbigay pansin sa kanya!

  • Mabuti naman ang intensyon ng mga nakakaaliw na salita mula sa bagong ama o mga lolo at lola, ngunit maaari nilang hindi napansin ang posibilidad na dumaranas ang ina ng depresyon bago manganak o matapos manganak.
  • Kung mas alam ng mga miyembro ng pamilya ang kondisyon ng ina, maaaring matukoy nang maaga ang depresyon bago manganak o matapos manganak, kaya maaaring mahingi ang tamang tulong. Sa paggawa nito, maiiwasan ang lalo pang paglubha ng mga problema sa pag-uugali ng ina at hindi maaapektuhan ang kapakanan ng pamilya.
  • Pag-aralan natin ang tungkol sa kung paano tukuyin ang mga maagang palatandaan ng mga problema sa pag-uugali bago manganak at pagkatapos manganak.

Bilang asawa, miyembro ng pamilya o kaibigan niya:

  • Maaari ninyong bigyang-pansin ang mga pagkakaiba sa mga saloobin, emosyon, pag-uugali at kondisyon ng katawan bago at matapos manganak.
    • Ang kanyang nasa isip:

      Maaari siyang magkaroon ng patuloy na mga negatibong saloobin, kabilang ang pagtatanong sa kanyang kakayahan, sobrang reaksyon sa mga puna ng iba, madaling pagpapatunay ng mga pagpuna ng tao na nakadirekta laban sa kanya, pagkakaroon ng negatibong pananaw sa sanggol o sa hinaharap, sobrang pag-aalala at labis na nababahalang mga ideya, atbp.

    • Mga damdamin niya:

      Malungkot, kulang sa enerhiya, negatibong mag-isip, nababahala, nababalisa, pakiramdam na walang magawa, natatakot, kinakabahan, nagdududa, hindi mapakali, mayamutin at mga pagbabago ng emosyon, atbp.

    • Kondisyon ng katawan:

      Hindi makatulog, mahina ang gana sa pagkain, atbp.

    • Mga pag-uugali niya:

      Hindi mapakali, pagmamaktol sa mga walang kuwentang bagay, pag-iyak ng walang maliwanag na dahilan, hindi angkop na pag-uugali gaya ng patuloy na pagtingin sa paghinga ng sanggol o kung masama ang pakiramdam ng sanggol.

  • Maaari ninyong simulan na makipag-usap sa kanya upang bigyan siya ng pagkakataon na ibahagi sa inyo ang kanyang mga damdamin at saloobin.

Kung magpatuloy ang mga sintomas na ito sa loob ng mahigit sa 2 linggo alinman sa bago o matapos isilang ang sanggol, at nakakaapekto nang makabuluhan sa pang-araw-araw na paggana ng ina, dapat hikayatina ang ina na humingi ng propesyonal na tulong sa lalong madaling panahon.

Pag-iwas sa depresyon bago o matapos manganak

Ina A: Mahal ko ang aking asawa sa kanyang pagtulong sa mga gawaing bahay, pagpapalit ng mga lampin at pagpaligo sa sanggol nang hindi ko sinasabi.

Ina B: Sana ay makita ng lahat na nagawa ko na ang aking pinakamahusay. Kung minsang pakiramdam ko ay ganap akong walang alam tungkol sa kung ano ang iniiyak ng sanggol!

  • Ang nasa itaas ay kung ano ang inaasahan ng ilang ina sa kanilang pamilya at mga kaibigan na maintindihan. Bilang kanyang asawa, mga magulang o biyenan, ano ang magagawa natin upang tulungang maiwasan ang depresyon bago o matapos manganak para sa ina? Tingnan natin.

Bilang mga magulang at biyenan:

  • Nakatira tayo sa modernong panahon na humahantong ang bagong impormasyon sa mga pagbabago. Napakalaki ng pagkakaiba ng mga gawi sa pagiging magulang mula sa ating mga lumang panahon. Gagamit ako ng bukas na isipan upang makipag-usap sa mas batang henerasyon at malaman ang tungkol sa kanilang mga modernong gawi at pamumuhay sa panahon ng pagbubuntis at 'pagpapagaling matapos manganak'. Kapag tama na ang panahon, maaari kong ibahagi ang aking mga karanasan at opinyon na may paggalang sa isa't isa. Nasabi iyon, naiintindihan ko na hindi nila dapat sundin ang mga gawi sa aking panahon.
  • Kung minsan, maaari din akong makatulong sa pag-aalaga sa sanggol, upang magkaroon ang mga batang magulang ng ilang matalik na oras sa pagrerelaks nang magkasama.

Bilang asawa, maaari akong:

  • Mas makapaghanda para sa pagbubuntis, halimbawa, gumawa ng tamang pagpaplano ng pamilya at pananalapi.
  • Matuto pa tungkol sa pagbubuntis, panganganak at pag-aalaga ng sanggol kasama siya upang mabawasan ang pagkabalisa at pagtatakda ng makatotohanang mga inaasahan para sa pagiging magulang hal. sa pagsali sa mga seminar at workshop tungkol sa pangangalaga bago manganak at pagiging magulang.
  • Makipagtulungan bilang isang team kasama siya upang matugunan ang mga pangangailangan ng pagbubuntis, halimbawa pagsama sa kanya sa mga regular na check-up.
  • Magkusa na makihati sa mga responsibilidad ng mga gawaing bahay at pag-aalaga sa sanggol, upang maaari siyang makapagpahinga nang mas marami.
  • Pangalagaan ang kanyang mga damdamin. Subukang intindihin ang mga pagbabago sa damdamin na pinagdaraanan niya sa panahon ng pagbubuntis at matapos manganak. Bigyan siya ng panahon at espasyo upang ipahayag ang kanyang mga saloobin at damdamin. Makinig nang may pagtitiyaga at huwag magmadali sa pagbibigay ng payo.
  • Palakasin pa ang kanyang loob; padalhan siya ng matatamis na salita, text message o sulat upang patunayan ang kanyang mga pagsisikap. Halimbawa, “Pinahahalagahan ko ang mga pagsisikap mo.” “Kailangan ng maraming lakas at tiyaga sa pagpapasuso at maganda ang ginagawa mo!”.
  • Maging maalalahanin sa kondisyon ng kanyang kalusugan sa panahon ng pagbubuntis at pagkatapos manganak at i-adjust ang inyong buhay sa pagtatalik nang naaayon.
    (Para sa mga detalye, mangyaring sumangguni sa "Malusog na Buhay sa Pakikipagtalik Bago at Matapos Magsilang ng Sanggol" sa website ng Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya, Kagawaran ng Kalusugan http://s.fhs.gov.hk/svx7s)
  • Hikayatin siya na maglaan ng oras para sa paglilibang at pamamahinga, gaya ng pag-idlip sa hapon, paglalakad, o pakikipagkita sa mga kaibigan.
  • Pagbabahagi sa ibang mga magulang tungkol sa mga karanasan sa pagbubuntis at pag-aalaga ng sanggol. Maaari din nitong mapahusay ang social networking.
  • Alami pa ang tungkol sa mga problema sa damdamin bago at matapos manganak. Hikayatin siya at samahan siya na humingi ng propesyonal na tulong sa mga oras ng pangangailangan.

Kailangan ko ring alagaan ang aking sarili

Ama A: Mga babae lang ang dumaranas ng mga pagkabagabag ng kalooban pagkatapos manganak. Paanong naaapektuhan din ang kalalakihan? Hindi puwede!

Ama B: Matatag ako at may kakayahan, hindi ako maaaring maapektuhan ng aking mga emosyon!

  • Karaniwang makaramdam ng stress, sa pagiging asawa o miyembro ng pamilya sa pag-aalaga ng mga magiging ina o bagong ina na ligalig ang damdamin. Ipinapakita ng mga napag-alaman sa pananaliksik na kung dumaranas ang isang ina ng depresyon matapos manganak, may mas mataas na tsansa para sa kanyang asawa na makaranas din ng panlulumo. Dahil dito, dapat din ninyong alagaan ang inyong sarili habang inaalagaan ang inyong asawa.

Bilang asawa o miyembro ng pamilya, kailangan kong:

  • Magtakda ng mga makatotohanang inaasahan para sa aking sarili. Hindi ako si superman! Imposible para sa akin na lutasin lahat ng problema o asahan ang aking sarili na maging isang “perpektong ama/ asawa/ miyembro ng pamilya”.
  • Tanggapin ang aking mga negatibong damdamin. Maaari din akong magalit kung dumaranas siya ng depresyon bago o matapos manganak. Halimbawa:
    • Mahirap paniwalaan na maysakit siya
    • Pakiramdam na nagkasala para sa kanyang mga negatibong saloobin
    • Nakakaramdam ng pagkabigo sa kanyang pag-aatubiling humingi ng tulong
    • Pag-aalala sa kanya at sa sanggol
    • Pakiramdam na walang magawa tungkol sa nagpapatuloy na kondisyon ng kanyang mga problema sa kalooban...

    Kailangan kong tanggapin ang lahat ng nararamdamang ito.

  • Manatiling konektado sa mga kaibigan at kapamilya. Makatutulong sa akin upang maibsan ang stress sa paghanap ng isang taong pinagkakatiwalaan ko upang ibahagi ang aking mga damdamin kapag kailangan.
  • Palakasin ang network ng suporta ng lipunan at makipag-usap sa ibang mga magulang. Mas kaunting lungkot ang ating mararamdaman kapag alam nating may isang taong dumaranas din ng katulad na mga pagsubok.
  • Pagpapanatili ng malusog na pamumuhay. Huwag manigarilyo, huwag uminom ng alak. Maglaan ng oras para sa mga gawaing libangan at magpahinga upang magrelaks.
  • Magpokus sa mga positibong aspekto at bigyan ng kredito ang aking sarili. Subukang pahalagahan ang aking sarili at paalalahanan ang aking sarili kung gaano ang naiambag ko sa pamilyang ito.
  • Subukang panatilihin ang ugnayan sa aking asawa. Kung minsan, maaari kaming humanap ng tagapag-alaga ng sanggol upang hayaan kaming mag-enjoy ng ilang matalik na oras nang magkasama.
  • Kapag nararamdaman kong hindi ko maibsan ang aking stress, dapat akong humingi ng tulong mula sa mga propesyonal.

Mga paraan upang humingi ng tulong

Ama: Kung dumaranas ang aking asawa ng mga problema sa kalooban bago o matapos manganak, paano ako hihingi ng tulong?

Lola: Ang aking apong lalaki ay 2 buwang gulang na. Mayamutin pa rin ang kanyang ina, sobrang kinakabahan at laging umiiyak. Saan ako maaaring pumunta para sa tulong?

  • Maaari kayong gumawa ng appointment sa isang doktor ng pamilya o kanyang obstetrician para sa panimulang pagsusuri at pamamahala. Kung kinakailangan, maaari niyang isangguni kayo sa isang espesyalista.
  • O maaari kayong magsaayos na makipagkita sa isang pribadong psychiatrist o clinical psychologist para sa propesyonal na pagsusuri at paggamot.
  • Maaari din ninyong isaalang-alang ang isang social worker o tagapayo para sa pagsusuri o referral.
  • Kung dumaranas ang ina ng mga problema sa kalooban matapos manganak, maaari kayong tumawag sa Maternal and Child Health Centre sa inyong rehiyon upang gumawa ng appointment sa mga nurse para sa panimulang pagsusuri. Pagkatapos ay gagawin ang referral sa angkop na mga serbisyo.

Kaugnay na impormasyon

Mga serbisyo at hotline sa pagpapayo

Ang mga Kaibigan ng Samaritano sa Hong Kong 2389 2222
Mga Serbisyo sa Pag-iwas sa Pagpapakamatay 2382 0000
24 na oras na hotline ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan 2343 2255
24 na oras na Direktang Linya sa Kalusugan ng Isipan ng Hospital Authority 2466 7350

Iba pa

Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya 24 na oras na Hotline ng Impormasyon, Kagawaran ng Kalusugan 2112 9900
Hotline para sa Pagpapasuso, Kagawaran ng Kalusugan 3618 7450
Linya ng Impormasyon para sa Edukasyong Pangkalusugan, Kagawaran ng Kalusugan 2833 0111
Website ng Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya, Kagawaran ng Kalusugan www.fhs.gov.hk
Direktoryo ng Pangunahing Pangangalaga (Maaari ninyong gamitin ang direktoryong ito upang maghanap ng angkop na doktor ng pamilya.) www.pcdirectory.gov.hk

Makinig at bigyang-pansin ang bagong ina

Dahil mahalaga sa lahat ang kapakanan ng damdamin

Alamin pa ang tungkol sa mga ano at paano

Pagkatapos ay humingi kaagad ng tulong kung magpatuloy ang mga problema ng kalooban

Makinig at palakasin ang loob ng bagong ina

Tutulong ang mabuting ama sa mga gawaing-bahay

Nagbibigay ng mas maraming espasyo ang mga lolo at lola sa mga batang magulang

Sama-sama tayong bubuo ng isang mapagmahal na tahanan