Sinuri ang Atypical Squamous na mga Selula na Hindi Pa Tiyak Kung Seryoso o Hindi (ASCUS) para sa HPV na May Mataas na Panganib

(Nirebisa ang nilalaman noong 03/2025)

Kapag may nakitang ASCUS sa pagsusuri na pag-screen ng cervix, ibig sabihin may kakaunti at bahagyang pagbabago sa mga selula na makikita sa ilalim ng microscope, pero hindi sapat upang maituring na paunang yugto ng cancer o senyales ng cancer. Ang ASCUS ang pinakakaraniwang uri ng bahagyang hindi normal na resulta sa pagsusuri na pag-screen ng cervix: Sa bawat 100 babae na sumasailalim sa pagsusuri na pag-screen, mga 3 hanggang 5 ang maaaring magkaroon ng nabanggit na sintomas, at 50% sa kanila, kusa ring bumabalik sa normal ang mga selula pagkalipas ng 4 hanggang 6 na buwan. Ang HPV triage ay isang karagdagang pagsusuri na ginagawa para malaman kung may impeksyon ng Human Papillomavirus (HPV) na may mataas na panganib sa cervix. Tumutulong ang pagsusuri na ito na malaman kung may posibilidad na maging cancer ang mga selula sa paglipas ng panahon, dahil halos lahat ng kaso ng cancer sa cervix ay dulot ng matagal na impeksyon ng HPV na may mataas na panganib.

  • Kung walang impeksyon ng HPV na may mataas na panganib ang mga selula sa cervix, napakababa ng posibilidad na lumala ang kondisyon ng mga ito. Kaya kailangan lang ulitin ng mga babae ang cervical smear makalipas ang 3 taon. Kapag normal ang resulta ng kasunod na smear, maaari na siyang bumalik sa regular na pag-screen tulad ng ibang babae. Kapag ang resulta ng inulit na pagsusuri ay nagpapakita pa rin ng abnormal o lumalang selula, ire-refer siya sa espesyalista para sa colposcopy.
  • Kapag ang abnormal na mga selula sa cervix ay may HPV na may mataas na panganib, may posibilidad na lumala ang mga ito o maging cancer. Kaya ire-refer ang pasyente sa espesyalista para sa colposcopy. Karaniwang inaabot ng 5 hanggang 10 taon bago maging cancer ang malalang pagbabago sa mga selula ng cervix, kaya hindi ito agad na banta sa kalusugan. Huwag masyadong mag-alala.

Ano ang colposcopy?

Ang colposcopy ay isang pagsusuri kung saan masusing sinusuri ang puwerta at cervix gamit ang isang magnifying glass. Maaaring isagawa ang colposcopy sa klinika nang walang anesthesia at tumatagal lang ng mga 10 minuto.

Pamamaraan

Ipapasok ng doktor ang colposcope at maglalagay siya ng espesyal na solusyong pang-medikal sa may puwerta at cervix, pagkatapos ay gagamit ng magnifying glass upang masuri kung may kakaibang sugat. Kung may makitang abnormal na bahagi, kukuha ang doktor ng maliit na sampol ng tissue gamit ang isang equipment at ipapadala ito sa laboratoryo para sa karagdagang pagsusuri.