Pagkaantala ng Pag-aanak

(Binago ang nilalaman 05/2016)

Isang mahirap na proseso ang pagnanais na magbuntis na mayroon pang higit na posibilidad na hindi mabuntis sa siklo ng pagreregla kaysa sa magbuntis.

Kahit para sa mag-asawang regular na nagtatalik, hal. dalawa o tatlong beses sa isang linggo nang walang kontrasepsyon, hindi hihigit sa 25% ang tsansa na mabuntis ang babae sa loob ng isang siklo ng pagreregla.

Ano ang pagkaantala ng pag-aanak?

Ang pagkaantala ng pag-aanak ay nangangahulugang mga kahirapan na mabuntis sa kabila ng regular na pagtatalik nang hindi gumagamit ng kontrasepiyon pagkaraan ng isang taon.

Karaniwang kondisyon ang pagkaantala ng pag-aanak, na nakaaapekto sa 1 sa bawat 6 na mag-asawa.

Mga sanhi ng pagkaantala ng pag-aanak

Mayroong iba’t ibang sanhi ang pagkaantala ng pag-aanak, kapwa sa mga babae at sa mga lalaki. Ang mga kadahilanan sa babae at lalaki ang siyang sanhi ng halos 30% ng mga kaso ng pagkaantala ng pag-aanak at ang natitirang 40% ay alinman dahil sa magkasamang problema o walang natukoy na sanhi (di-maipaliwanag na pagkaantala ng pag-aanak). Dapat itong bigyang-diin na madalas na sabay na umiiral ang kombinasyon ng mga problema sa babae at lalaki kaya dapat makilahok ang mag-asawa sa proseso ng pagsusuri.

Pagkaantala ng pag-aanak sa mga babae

  • Edad: Nababawasan ang natural na pertilidad sa pagtanda ng babae, partikular pagkatapos ng kalagitnaan ng edad na tatlumpu
  • Kabilang sa mga medikal na kondisyon ang:
    • Mga problema sa obulasyon hal. Polycystic ovary syndrome, maagang menopause, problema sa thyroid, atbp.
    • Mga pagdirikit sa balakang o pagbabara ng mga fallopian tube na nagreresulta mula sa endometriosis, impeksyon sa balakang, operasyon sa balakang, o abnormalidad sa istruktura ng matris

Pagkaantala ng pag-aanak sa mga lalaki

  • Di-mabubuting dahilan na nakaaapekto sa produksyon o paghahatid ng semilya, hal. paninigarilyo, pag-inom ng alak, di-pagbaba ng bayag, varicose vein sa scrotum (varicocele), o pagkasira ng genital tract mula sa nakaraang impeksyon o operasyon

Di-maipaliwanag na pagkaantala ng pag-aanak

  • Kung bigo pa ring malaman ang sanhi sa pamamagitan ng detalyadong kasaysayan ng kalusugan at eksaminasyon ng katawan na sinundan ng mga imbestigasyon, tatawagin itong ‘di-maipaliwanag na pagkaantala ng pag-aanak’
  • Sa di-maipaliwanag na pagkaantala ng pag-aanak, ang dalawang pangunahing dahilan na nakaaapekto sa tsansa ng pagbubuntis ay ang tagal ng pagkaantala ng pag-aanak at edad ng mga babae. Mababawasan ang natural na kakayahan para mabuntis sa mga babaeng nagkakaedad na o sa mga mag-asawang mahigit na sa tatlong taon na mayroong pagkaantala ng pag-aanak

Pangkalahatang payo

  • Panatilihin ang regular na pagtatalik, sabihin nating 2 hanggang 3 beses sa isang linggo, na may kaunting pagdalas (tulad ng isang beses bawat 2 araw) sa panahon ng obulasyon
  • Dapat iwasan ng mag-asawa ang paninigarilyo, pag-inom ng alak at pag-abuso sa droga
  • Maaaring mahirapang magbuntis at may mataas na panganib ng mga pagkalaglag ang mga babaeng labis ang timbang. Sa kabilang banda, maaaring mayroong abnormalidad sa pagreregla at maaaring hindi mag-ovulate ang mga kulang sa timbang. Kaya, dapat nilang panatilihin ang pinakamainam na timbang ng katawan
  • Mahalaga para sa pinakamainam na tungkulin sa reproduksyon ang balanseng pagkain, mga regular na pisikal na aktibidad at pagkontrol sa stress
  • Ang mga babaeng hindi tiyak sa kanilang imyunidad sa rubella ay dapat kumonsulta sa doktor ng kanilang pamilya para masuri kung kailangan ng bakuna laban sa rubella bago magbuntis

Maaari bang makatulong ang mas madalas na pagtatalik para tumaas ang tsansa ng pagbubuntis?

  • Ang masyadong madalas na pagtatalik, sabihin nating isang beses sa isang gabi, ay maaaring magresulta sa pagbaba ng bilang ng mga semilya sa semen. Sa kabilang banda, ang masyadong madalang na pagtatalik, sabihin nating mababa sa isang beses kada linggo, ay hahantong sa hindi gumagalaw na semilya sa semen. Maaaring lubhang mapababa ng parehong kondisyon ang tsansa ng pagbubuntis

Dapat isaalang-alang ng mga mag-asawa ang mas maagang pagpapatingin sa doktor kung mayroon sila ng mga sumusunod:

  • Para sa babae
    • Edad na nasa huling taon ng tatlumpu
    • Kasaysayan ng tatlo o higit pang pagkalaglag
    • Mahaba at iregular na siklo ng pagreregla
    • Siklo ng pagreregla na tatlong linggo ang pagitan o mas maikli
    • Kirot sa panahon ng pagreregla o pakikipagtalik
    • Kasaysayan ng endometriosis
    • Kasaysayan ng impeksyon sa balakang
    • Kasaysayan ng operasyon sa balakang o obaryo
  • Para sa lalaki
    • Nagkaroon ng beke noong bata pa
    • Nagkaroon ng problema sa pagtayo ng ari o paglalabas ng semilya
    • Kasaysayan ng impeksyon sa prostate
    • Kasaysayan ng di-bumabang bayag
    • Kasaysayan ng varicocele

Hindi katulad ng pagkabaog ang pagkaantala ng pag-aanak. Mas madaling gamutin ang ilang kondisyon kaysa sa iba. Kaya, hinihikayat ang mga mag-asawa na agad na humingi ng payo ng propesyonal.

Saan hihingi ng tulong?

Maaaring isagawa ang pagsusuri at paggamot ng pangunahing pagkaantala ng pag-aanak ng mga gynecologist sa Hospital Authority, Samahan sa Pagpaplano ng Pamilya o mga pribadong sektor. Gayunman, kung walang matukoy na sanhi para sa pagkaantala ng pag-aanak o kung hindi magkaanak ang mag-asawa pagkatapos ng paggamot sa loob ng ibinigay na panahon, maaari silang isangguni sa espesyalista sa pagkaantala ng pag-aanak o sa isang Yunit ng Tinutulungang Reproduksyon (Assisted Reproductive Unit) ng mga pampubliko o pribadong ospital.

Bumababa nang kapansin-pansin ang antas ng matagumpay na paggamot habang tumatanda ang babae. Kahit na gamitin ang makabagong teknolohiya ng tinutulungang reproduksyon, humigit-kumulang katumbas ng zero ang antas ng tagumpay para sa mga babaeng mahigit sa 45 taong gulang. Kaya, dapat agad humingi ng payo ng propesyonal ang mga mag-asawang mayroong pagkaantala ng pag-aanak.

Iba pang pagpipilian

Kung mabigo ang lahat ng paggamot o hindi talaga angkop para sa paggamot ang mga mag-asawa, kailangan nilang magpasya kung tatanggapin nila o hindi ang hindi pagkakaroon ng anak, o isaalang-alang ang pag-aampon. Sila ang may kontrol sa sitwasyon, at dapat silang maging handa na tanggapin ang mga posibleng resulta ng iba’t ibang opsyon.

Hindi pagkakaroon ng anak

Maaaring tuklasin ng mag-asawa ang kanilang mga sariling personal na interes at magkakatulad na interes kasama ang asawa, palawakin ang mga taong nakakasalamuha at patibayin ang kanilang mga relasyon sa iba pang miyembro ng pamilya at mga kaibigan.

Pag-aampon

Kung malusog ang isipan at pangangatawan ng mag-asawa, handang magkaroon ng panghabambuhay na responsibilidad na mag-ampon ng bata at tanggapin ang pananagutan ng pagiging magulang, maaari nilang isaalang-alang ang pag-a-apply para sa pag-aampon. Maaaring makuha ang karagdagang impormasyon mula sa Yunit ng Pag-aampon ng Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan (http://www.swd.gov.hk).