Impormasyon sa mga Pildoras na Progestogen-lamang (Maliit na pildoras)

(Binago ang nilalaman 06/2020)

1. Kaugnay na Impormasyon

  • Nagtataglay ng isang sintetikong hormon - progestogen ang mga kontraseptibong pildoras na progestogen-lamang (maliit na pildoras). Gumagana ito sa pamamagitan ng pagpipigil ng obulasyon, humahadlang sa paglalakbay ng semilya at pagpupunla ng embryo.
  • Napakabisa nito at mababa sa 1% ang antas ng kabiguan kung ginamit nang tama.
  • Pinakaangkop ito para sa mga inang nagpapasuso dahil hindi ito nakaaapekto sa produksyon ng gatas ng ina.
  • Nagbibigay ito ng pagpipilian sa mga kababaihan na hindi makagamit ng pinagsamang mga iniinom na kontraseptibong pildoras para sa medikal o iba pang dahilan. Halimbawa, ang mga babaeng naninigarilyo o may diabetes mellitus, altapresyon o iba pang sakit na maaaring mapalala ng pag-inom ng estrogen.
  • Dapat kumonsulta ang mga kliyente sa doktor bago simulan ang pag-inom ng mga pildoras.

2. Paraan ng Pagbibigay

  • Sa pangkalahatan, dapat magsimula ang mga kababaihan sa pag-inom ng mga pildoras sa loob ng unang 5 araw ng regla.
  • Kung nangyari ang pagsusuka sa loob ng 3 oras ng pag-inom ng pildoras, uminom ng isa pang pildoras sa lalong madaling panahon upang makamit ang sapat na epekto ng kontaseptibo.
  • Kung nagpapatuloy ang inyong pagsusuka o may matinding pagtatae, mangyaring gumamit ng condom bilang suportang kontrasepsyon sa panahon ng inyong sakit at dagdag na 7 araw pagkatapos ng sakit.
  • Dapat inumin ang mga pildoras sa parehong oras araw-araw.

3. Masasamang Epekto

  • Maaari kayong magkaroon ng hindi regular na pagdurugo, nabawasang pagdaloy ng regla o walang regla na nauugnay sa epekto ng hormon ng progestogen.
  • Maaaring mangyari ang iba pang karaniwang masasamang epekto kabilang ang pananakit ng suso, mga pagkahilo, tagihawat, pananakit ng ulo at pagbabago ng mood sa unang panahon ng paggamit at kadalasang nawawala sa loob ng unang ilang buwan.
  • Mangyaring humingi ng medikal na pagsusuri sa lalong madaling panahon at sabihin sa inyong doktor na gumagamit kayo ng kontraseptibong pildoras na Progestogen-lamang, kung mayroon kayo ng mga sumusunod na sintomas:
    • Tulad ng pagsisimula ng matitinding pananakit ng ulo o migraine pagkatapos simulang inumin ang mga pildoras, pagkahimatay, pagtaas ng presyon ng dugo, panghihina o pangangati/pamamanhid na sensasyon na nakaaapekto sa isang gilid o isang bahagi ng katawan, paninilaw ng balat o mga puti ng mga mata (jaundice), sakit sa tiyan, sakit sa kalamnan ng binti o matinding pananakit ng dibdib.
  • Mangyaring bumalik sa Maternal and Child Health Centre para sa pagsusuri sa kaangkupan na ipagpatuloy ang inyong kontraseptibong pildoras, kung mayroon kayo ng sumusunod na mga kondisyon:
    • Pagkakaroon ng anumang palatandaan at mga sintomas ng pagbubuntis;
    • Bagong na-diagnose na sakit, hal. sakit sa puso, stroke, diabetes, hyperlipidaemia, pagbabara ng daluyan ng dugo, kanser o iba pang bagong na-diagnose na sakit na medikal at pang-operasyon.

4. Pamamahala sa Nakaligtaang Pildoras

(Magagamit lang ang impormasyon sa desogestrel na kontraseptibong pildoras)

  • Iantala ang pag-inom ng 1 pildoras nang mababa sa 12 oras
    • Mangyaring inumin agad ang pildoras na nakaligtaan
    • Inumin ang mga natitirang pildoras gaya ng inyong karaniwang iskedyul
  • Iantala ang pag-inom ng pildoras/mga pildoras nang mahigit sa 12 oras
    • Mangyaring inumin kaagad ang pildoras na nakaligtaan
    • Inumin ang mga natitirang pildoras gaya ng inyong karaniwang iskedyul
    • Gumamit ng condom bilang suportang kontrasepsyon sa susunod na 7 araw para sa proteksyon laban sa pagbubuntis.
    • Mangyaring bumalik sa Maternal and Child Health Centre sa lalong madaling panahon para sa pagpapayo at pagsusuri ng pangangailangan para sa pang-emergency na kontrasepsyon.

5. Pag-inom ng ibang gamut

  • Mangyaring ipaalam sa inyong doktor na umiinom kayo ng kontraseptibong pildoras bago uminom ng iba pang gamot, dahil maaaring makaapekto ang ilang gamot sa kontraseptibong epekto ng mga kontraseptibong pildoras.

Kung mayroon kayong anumang tanong, mangyaring bumalik sa Maternal and Child Health Centre para sa payo.