Menopause at Therapy na Pagpapalit ng Hormon

(HTML binago ang nilalaman 11/2019)

Natural na yugto ng buhay ng babae ang menopause at palatandaan nito ang pagtatapos ng pagreregla. Nagsisimulang humina ang paggana ng obaryo ng babae kapag naabot niya ang edad na 45 hanggang 55 taon. Kalaunan, titigil ang kanyang obaryo sa paglalabas ng mga hormon ng babae. Kapag walang regla sa loob ng 1 taon, naabot na ng babae ang menopause. Magkakaroon ng mga sintomas ang ilang babae hal. mainit na pakiramdam, pamamawis sa gabi, di-mahimbing na pagtulog at karaniwang pagkamayamutin.

Maaaring gamitin ang Therapy na Pagpapalit ng Hormon (Hormone Replacement Therapy o HRT) para mabawasan ang mga sintomas na ito, ngunit maaari din itong magdulot ng malubhang masasamang epekto. Dapat talakayin ng isang tao sa kanyang doktor ang mga panganib at benepisyo bago magdesisyon.

Mga kondisyong hindi angkop para sa HRT

  • Allergy sa HRT
  • Hindi na-diagnose na abnormal na pagdurugo sa puwerta
  • Pamumuo ng dugo sa ugat
  • Malubhang sakit sa atay
  • Kanser sa suso o matris
  • Napatunayang sakit sa puso

Mga pakinabang at panganib ng HRT

  • Mga sintomas bago mag-menopause - nababawasang maiinit na pakiramdam, pamamawis sa gabi.
  • Osteoporosis - pinipigilan ang osteoporosis, ngutin kapag itinigil na ang paggamot na estrogen, malaki ang nawawalang proteksyon laban sa pagkawala ng buto.
  • Pagbuti ng kalidad ng buhay - pinapahusay ang memorya at berbal na pangangatuwiran.
  • Kanser sa bituka - nababawasan ang panganib.
  • Kanser sa suso - pinatataas ang panganib ng pangmatagalang pag-inom.
  • Kanser sa endometrium - para sa mga babaeng hindi nagalaw ang matris, tumataas ang panganib kung estrogen lang ang iniinom.
  • Pamumuo ng dugo sa ugat - tumataas ang panganib.
  • Sakit sa puso – hindi dapat simulan ang HRT sa mga babaeng may napatunayang sakit sa puso. Kulang pa rin ang datos na nagpapakita na mababawasan ang tsansa na magkaroon ng sakit sa puso ang mga babaeng nagsimula sa hormone replacement theraphy na mas malapit sa kanilang menopause.

Mga paghahanda para sa HRT

Maaaring alinman ito sa estrogen lamang, progestogen lamang o kombinasyon ng estrogen at progestogen.

Maaaring ang mga ito ay nasa mga anyo ng mga tableta, pantapal, gel at vaginal cream. Mangyaring makipag-usap sa inyong doktor upang pumili ng pinakaangkop na paghahanda.

Mga karaniwang masasamang epekto

  • Pagdurugo - para sa mga babaeng hindi nagalaw ang matris, maaaring ibalik ng HRT ang pagdurugong tulad ng regla
  • Pagkasensitibo ng suso o napupuno
  • Pamamanas

Kailangan ang regular na pagpapasuri habang tumatanggap ng therapy

Para sa karagdagang impormasyon sa kalusugan, mangyaring tumawag sa aming Infoline ng Edukasyong Pangkalusugan (Cantonese, Ingles at Putonghua) sa 2833 0111 o bisitahin ang website ng Serbisyo sa Kalusugan ng Pamilya ng Kagawaran ng Kalusugan sa http://www.fhs.gov.hk.