Pre-menstrual Syndrome

(Inilathala 01/2006)

Bakit madaling mairita si May sa loob ng ilang araw kada buwan?

Oo, kadalasang namamaga nang kaunti ang aking kamay at paa bago magkaregla !

Bakit madalas kong maramdaman ang kirot at pamamaga ng suso bago magkaregla?

Ang Pre-Menstrual Syndrome o PMS ay isang karaniwang pangyayari. Ipinakikita ng isang lokal na survey na sa bawat 10 kababaihan, higit sa 6 ang nakararanas ng tiyak na mga sintomas ng PMS bago magkaregla. Sa kanila, halos sa 3 hanggang 8 kababaihan ang nagtuturing na malubha ang kanilang mga sintomas.

Ano ang PMS?

Tinutukoy ng PMS ang paminsan-minsang kawalang-ginhawa sa katawan pati na rin ang mga pagbabagong sikolohikal at pag-uugali sa kababaihan bago magkaregla. Inilalarawan ang PMS ng pangyayari nito isa hanggang dalawang linggo bago ang regla at ang natural na pagkawala nito pagkatapos ng pagsisimula ng pagdurugo ng regla. Sa malubhang mga kaso, maaaring makasagabal ito sa pang-araw-araw na trabaho, araw-araw na buhay at pakikipag-ugnayan sa kapwa, na nakaaapekto sa kalidad ng buhay.

Ano-ano ang mga sintomas ng PMS?

Maaaring mayroong mas marami sa 150 sintomas na may kaugnayan sa PMS, at nakalista sa ibaba ang mga karaniwan:

Mga pisikal na sintomas:

  • Pamamaga ng suso / pananakit
  • Pamamaga ng braso o binti / pagkabundat
  • Pagtaas ng timbang
  • Pananakit ng ulo
  • Pagkapagod at systemic na panghihina

Mga pagbabagong sikolohikal at pag-uugali:

  • Pagbabago ng mood at pagkairita
  • Problema sa konsentrasyon
  • Pagiging makakalimutin
  • Nagre-react / Kumikilos nang pabigla-bigla
  • Problema sa pagtulog, hindi makatulog o pagkaantok
  • Pagbabago sa gana at kagustuhan sa pagkain (pananabik sa pagkaing matatamis at matataba)

Kung kinakailangan, dapat kumonsulta sa isang doktor at humingi ng angkop na tulong ang kababaihang nakararanas ng kawalan ng ginhawa bago magkaregla.

Sino ang nagkakaroon ng PMS?

  • Maaaring sumailalim sa mga epekto ng PMS ang kababaihan bago ang menopause, at partikular na madaling tablan ang mga may edad sa pagitan ng 25 at 45.
  • Upang kumpirmahin ang kaso ng PMS, hindi ito umaasa sa isang beses na pangyayari ng mga sintomas o iisang medikal na konsultasyon. Bago tapusin ang isang klinikal na diagnosis ng PMS, kakailanganin ng doktor ang isang detalyadong rekord sa loob ng tatlong magkakasunod na buwan sa pang-araw-araw na mga sintomas at ang kanilang tindi, kasunod ng pag-aalis ng posibilidad ng iba pang pisikal o sikolohikal na mga sakit batay sa kumpletong kasaysayan ng sakit at pagsusuri ng katawan. Sa paghihinala na PMS, dapat kayong kumonsulta sa mga propesyonal sa medisina para sa angkop na pagsusuri at diagnosis, upang makuha ang angkop na paggamot.

Bakit nangyayari ang PMS?

Mga pisikal na dahilan:

  • Hindi balanseng hormon
  • Hindi balanse ang neurotransmitter

Mga dahilang sikolohikal at panlipunan:

  • Mga nauugnay na elemento ng PMS ang stress sa araw-araw na buhay, mga personal na katangian at saloobin sa buhay.
  • Ipinapakita ng mga pag-aaral na may kaugnayan ang mga dahilang mental at sikolohikal sa katindihan ng PMS dahil makaaapekto ang stress sa isipan sa mga pagtugon ng endocrine.
  • Nag-aambag din sa PMS ang iba’t ibang tungkulin ng kababaihan sa modernong lipunan at pamilya pati na rin ang presyur na kailangan nilang tiisin. Makararanas ng hindi gaanong madalas at hindi gaano matinding mga sintomas ng PMS ang kababaihang may hindi gaanong nakaka-stress na buhay at ginagampanan ang iba’t ibang tungkulin nang may kadalian at kasiyahan. Sa kabaligtaran, magkakaroon ng medyo mas madalas at matinding mga sintomas ng PMS ang kababaihang dumadanas ng mga alitan sa mga tungkulin at kaugnay na kawalan ng kasiyahan.

Paano ginagamot ang PMS?

Sinasaklaw ng paggamot ng PMS ang tatlong aspekto:

  1. Pagbabago sa pamumuhay: maaari ninyong subukan ang mga sumusunod na paraan upang mabawasan ang mga sintomas ng PMS.
    • Ehersisyo - tumutulong ang angkop na mga ehersisyong aerobic, tulad ng jogging, sayaw na aerobic, pag-akyat sa hagdan at Tai Chi; pati na rin ang mga ehersisyo ng pagbabanat, tulad ng yoga at kaunting pagbabanat, upang itaguyod ang sirkulasyon ng dugo, pagrerelaks ng kalamnan at masayang isipan, kaya pinagiginhawa ang mga sintomas ng PMS.
    • Diyeta -
    Pagkaing dapat iwasan Pagkaing dapat kainin
    Mga inuming may caffein, alak at mga inuming may alkohol Cereal breakfast, tinapay na gawa sa trigo, oatmeal at mais
    Pagkaing maraming asin: nakapreserbang pagkain at sarsa Beans: soybean at iba pang uri ng bean
    Pagkaing gawa sa pinrosesong asukal: sorbetes at tsokolate Gulay: madahong gulay at carrot
    Mga pagkaing maraming taba at mga produktong gawa sa gatas na maraming taba: butter at keso Mga mani at tuyong prutas: mga kasoy, mani at mga buto ng melon
  2.  Gamot: mga iniresetang gamot ng isang doktor lalo na sa indibidwal na kababaihan. (Sa kasalukuyan, walang iisang gamot na maaaring magpaginhawa sa lahat ng sintomas.)
  3. Sikolohikal na paggamot: kabilang ang pagpawi sa stress at pagsasanay ng pagrerelaks.