Paglaki ng Sanggol sa Sinapupunan sa Unang Bahagi ng Pagbubuntis

Unang bahagi ng pagbubuntis

Bilang magiging isang ina, mahalaga sa inyo na magkaroon ng sapat na nutrisyon, kabilang ang folic acid at iodine, para mabigyan ang inyong lumalaking sanggol ng panimula.

4-8 linggo ng pagbubuntis

Sa halos 4-5 linggo, marahil ay kakatuklas pa lamang ninyo na buntis kayo. Pagkatapos ng implantation, lumalaki ang embryo at nabubuo sa loob ng lining ng sinapupunan. Nagsimula nang mabuo ang utak, gulugod at puso ng inyong sanggol.

Maaari nang mapansin sa ultrasound ang pintig ng puso sa halos 6-7 linggo ng pagbubuntis. Sa pagtatapos ng ikawalong linggo, nagsimula nang mabuo ang lahat ng pangunahing organ at mga sistema ng katawan.

9-13 linggo ng pagbubuntis

Maaari kayo magsimulang makaramdam ng pagkahilo at pagsusuka, lalo na sa umaga. Maaaring makatulong sa inyong mga sintomas ang kaunti ngunit madalas na pagkain. Sa panahong ito, magiging mas malaki ang inyong mga suso, kaya isaalang-alang ang pagsusuot ng supportive bra.

Sa 9 na linggo ng pagbubuntis, halos 22 mm na ang haba ng sanggol mula ulo hanggang talampakan. Unti-unti nang nabubuo ang mukha. Nagsisimula nang mabuo ang bibig at dila, na may maliliit na panlasa, at mga bituka. Nabubuo na ang mga kamay at paa.

Sa 10 linggo, ganap nang buo ngayon ang puso. Tumitibok ito nang 180 beses sa isang minuto na mas mabilis kaysa sa sarili ninyong puso.

Maaari kayong makaramdam ng madalas na pag-ihi dahil naiipit ng matris ang pantog. Mangyaring sumangguni sa “Mga payo para sa madalas na pag-ihi”. Kung may maramdamang masakit o may makitang dugo kapag umiihi, mangyaring kumonsulta sa inyong doktor sa lalong madaling panahon.