Mga Babalang Palatandaan Habang Nagbubuntis

Kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod na kondisyon sa panahon ng inyong pagbubuntis, dapat kayong kumonsulta sa doktor o agad na pumunta sa Departamento ng Aksidente at Emergency ng isang ospital:

  • pagputok ng panubigan o pinaghihinalaang pagputok ng panubigan
  • pagdurugo sa puwerta
  • patuloy na pananakit ng tiyan
  • malubha o mabilis na paglala ng oedema o pamamanas (mangyaring sumangguni sa polyetong "Pre-eclampsia" )
  • matinding pananakit ng ulo (mangyaring sumangguni sa polyetong "Pre-eclampsia" )
  • malaking pagbawas sa paggalaw ng sanggol (mangyaring sumangguni sa polyetong "Mga Paggalaw ng Sanggol" )

Pagputok ng panubigan

Habang nagbubuntis, napalilibutan ang inyong sanggol ng membranous sac na puno ng likido na tinatawag na amniotic sac o panubigan. Kapag pumutok ang membrane ng amniotic sac, tinatawag itong pagputok ng panubigan o pagtagas. Maaaring makaramdam ang mga buntis ng pagbulwak ng tubig o patuloy na pagtagas ng matubig na likido mula sa puwerta

Madalas na nangyayari ang pagputok ng panubigan, o pagtagas, bago o habang nagle-labor. Sa kabilang banda, maaari ding mangyari ang pagputok ng panubigan sa anumang yugto ng pagbubuntis, o bago magsimula ang pagle-labor. Tinatawag itong "Pre-labour Rupture of Membranes". Karamihan sa mga buntis ay dadaan sa kusang pagle-labor sa loob ng 24 na oras ng pagputok ng membrane. Habang humahaba ang oras matapos ang pagputok ng membrane, tumataas ang panganib ng impeksyon sa sinapupunan at sa sanggol. Kaya, dapat kayong agarang pumunta sa ospital sa oras na pumutok na ang panubigan para sa masuri ng obstetrician.

Sa ilang pagkakataon, kung sobrang kaunti lamang ang tumagas na likido ng amniotic, maaaring mahirap malaman ang kaibahan sa pagitan ng pagputok ng panubigan at pagtagas mula sa puwerta o kawalan ng pagpigil sa ihi. Kung hindi kayo tiyak, mangyaring kumonsulta agad sa obstetrician para sa higit pang pagsusuri.